Advertisers
SINIBAK sa puwesto ang isang opisyal ng Philippine National Police sa Bulacan nang akusahan ng ‘sexual harrasment’ ng kapwa nito pulis sa Plaridel Police Station.
Sa report na tinanggap ni PNP Regional Director, Brigadier General Jose Hidalgo Jr., kinilala ang biktimang si alyas “Ayen”, 30 anyos, may-asawa, nakatalaga sa Womens Childern and Protection Desk Office (WCPD).
Habang ang inireklamo ay si Police Major Gerardo Navarro, nasa hustong gulang, residente ng Baliwag City.
Base sa paunang imbestigasyon, 3:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente Hunyo 7, 2024.
Ayon sa biktima, kasalukuyan siyang natutulog sa loob ng WCPD office at nagulat siya nang yakapin ng mahigpit ni Navarro, kungsaan sinubukan niyang pigilan ang opisyal subali’t hindi siya pinansin sa halip patuloy siyang hinalikan sa labi at leeg habang hinawakan din ang kanyang dibdib.
Aniya, natigil lamang ang opisyal at lumabas ng WCPD office nang makita siyang umiiyak.
Magsasampa ng kasong paglabag sa RA 7877 (Anti-Sexual Harassment Law) ang biktima laban kay Navarro. (Thony D. Arcenal)