Advertisers
HINATULAN ng sampung taon na pagkabilanggo ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) ang apat na pulis na napatunayang ‘guilty’ sa pagpatay sa mag-ama sa kasagsagan ng anti-illegal drugs operation sa lungsod noong 2016.
Batay sa desisyon ni Caloocan City RTC Branch 121 Judge Ma. Rowena Violago Alejandria, ‘guilt’y sa kasong ‘Homicide’ sina Master Sergeant Virgilio Cervantes, Corporals Arnel de Guzman, Johnston Alacre at Artemio Saguros.
Nabaril at napatay ng mga pulis ang mag-amang Luis at Gabriel Bonifacio sa kasagsagan ng pagpapatupad ng “drug war” ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
“It must be worthy to note that the accused themselves did not deny their presence and participation in the police operation conducted, the same event where the victims Luis and Gabriel (Domingo) were killed,” pahayag ni Alejandria.
Pinagbabayad din ng korte ang mga pulis ng tig-P300,000 bilang danyos sa pamilya ng mga biktima.
Iginiit ng pamilya Bonifacio na hindi sangkot ang mag-ama sa iligal na droga at hindi rin nagpaputok ng baril.
Bagama’t “self-defense” ang alibi ng mga pulis, ibinasura lang ito ng korte.
Batay sa opisyal na datos, mahigit 6,000 indibiduwal ang napatay sa police anti-narcotics operations sa ilalim ng nakaraang Duterte administration.