Advertisers
ISANG PWD (person with disability) ang nagpahayag ng kanyang galit at pagkadismaya matapos na siya ay harasin at pagbantaang hihilahin ng chief security ng Supreme Court nitong Martes ng umaga.
Sa panayam kay Monalie Dizon, 51-anyos, legal manager ng isang law firm, ikinagulat niya ang pagtrato sa kanya ng chief security na si Joery Gayanan sa loob mismo ng gusali ng SC kaugnay ng kanyang pina- follow up na dokumento.
Ayon kay Dizon, maayos siyang pumasok sa SC upang i-follow up sa 3rd Division ang isang petisyon sa kaso na kanilang hawak, subali’t paulit-ulit umanong sinasabi ng alyas “Tintin” na wala pang resolution sa kanilang inihain na ‘transfer of venue’.
Dahil dito, minabuti ni Dizon na magtungo sa opisina ng isang SC Justice at doon siya nilapitan at sinabihan ni Gayanan na umalis na.
Sinabi ni Dizon kay Gayanan na PWD siya at hindi maaaring maghagdan, habang itinuro naman ng isang security ang elevator.
Dito na siya muling sinabihan ni Gayanan ng: “’pag hindi ka sumama sakin, hihilahin kita papuntang Security office.”
Sa puntong iyon, nangamba si Dizon na posible totohanin nga ni Gayanan ang kanyang banta.
Kinuwestiyon ni Dizon si Gayanan kung may pagkakamali o may iligal siyang ginawa at hindi makatao ang trato nito sa kanya. Wala naman umanong tugon si Gayanan at paulit-ulit siyang pinaaalis.
Maging ang kasamahang security ni Gayanan ay nagulat sa inasal nito.
Samantala, lumilitaw na ang ‘petition for transfer of venue’ na inaasikaso ni Dizon ay Abril 1 pa naaprubahan.
Pabalik-balik na siya sa 3rd Dvision subali’t walang tugon sa kanilang petition.