Advertisers
NAIS paimbestigahan ni Senadora Imee Marcos “in aid of legislation” ang sinasabing “secret campaign” ng US military para siraan ang Sinovac vaccine ng China.
Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 1052, sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on foreign affairs na layuning berepikahin kung talagang may anti-vaccination at misinformation campaign na isinagawa ang US military sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Partikular na sisilipin din kung may nilabag na international law ang US at kung ano ang posibleng legal na hakbang na maaaring gawin ng Pilipinas.
Ani Marcos, ang napaulat na anti-vax at misinformation campaign ng Estados Unidos ay lubhang naging banta sa ating pambansang seguridad at sa kalusugan ng publiko.
“If the alleged campaign is true, there is a need to determine the ramifications of the actions of the US Military,” wika ni Marcos sa resolusyon.
“..any potential breach of international law by the United States of America, and the possible legal recourse available to the Philippines, considering that such anti-vax and misinformation campaign threatens national security,” sabi pa niya.
Inihayag din ng senadora ang ulat ng Reuters kung saan ibinunyag na naghasik ang US ng pagdududa sa ‘safety and efficacy’ ng Sinovac vaccine na sinusuplay ng China sa iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas.
Aniya, binanggit din ng Reuters na ginagamit ng Pentagon ang Covid-19 ‘misinformation’ sa pamamagitan ng X, dating Twitter.
May 300 accounts ang nadiskubre at halos lahat ay ginawa sa summer ng 2020 at nakasentro sa slogan na #Chinaangvirus. (Mylene Alfonso)