Advertisers

Advertisers

EMBO barangays ‘di makakaboto ng kongresista sa 2025 – COMELEC

0 11

Advertisers

HINDI makakaboto ng kongresista sa 2025 elections ang EMBO Barangay sa Taguig, ayon sa Commission on Elections (COMELEC).

Sa panayam nitong Martes, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na ang mga barangay ay kasalukuyang hindi kasama sa alinmang distrito sa Taguig.

Idinagdag niya na kailangan ng isang batas na maipasa ang mga barangay ng EMBO para mapabilang sa isang distrito o kaya naman ay ma-categorize sila bilang ikatlong distrito.



“Hanggang sa kasalukuyan, hindi po alam ng COMELEC kung saang distrito ng Taguig kabilang [ang mga EMBO barangay]. Wala pong kapangyarihan ang COMELEC na gawin ‘yun sapagkat ang may kapangyarihan na magsabi ng anong barangays ang kasama sa bawat distrito ay ang Kongreso,” paliwanag Garcia.

“Nung ginawa po nila ang batas na nagsasabi na merong first district ang Taguig [at] second district, naka-enumerate po kung anong mga barangays [ang kasama] doon, at siyempre, wala po yung sampung barangays na galing po sa Makati. Kaya po di kayo makakaboto para sa inyong representante o congressman,” aniya pa.

Maaari pa namang bumoto para sa mga pambansang posisyon at mayor at bise alkalde ng Taguig ang mga barangay ng EMBO.

Samantala, ang tatlong natitirang barangay sa ilalim ng ikalawang distrito ng Makati ay mananatiling distrito at makakaboto para sa kanilang kinatawan.

“Nage-exist pa rin po ang kanilang distrito sapagkat hindi pa po namin pwede i-abolish ang distrito nila.



Kahit tatlo nalang na barangay ang natitira ay intact pa rin [sila]. Naandiyan pa rin yung 2nd District ng Makati… Ang COMELEC po ay walang kapangyarihang mag-abolish ng distrito,” anang COMELEC chair.

“Kung ang Kongreso ang may kapangyarihan na mag-create, ang Kongreso din ang may kapangyarihan na mag-abolish o mag-balewala ng distrito,” dagdag pa niya.

Naghanda na ang COMELEC ng mga balota para sa darating na halalan na kung saan hindi kasama ang kongresista para sa mga barangay ng EMBO.

“Hindi po kami pwede maghintay kung magakakaroon ng batas o wala sapagkat ayun pong balota kinakailangan maging maliwanag kung may congressman o wala… Madali naman po kami maggawa ng panibagong ballot face para diyan pero mas magandang handa na po kami dito, dahil hindi po ganon kadali yung basta pagsasabi na retain eto o abolish yung ganiyang distrito,” ani pa ni Garcia.