Advertisers
ARESTADO ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) nang dumayo at mahuli sa ikinasang buy-bust operation ng mga kabaro, at makuhanan ng mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu sa Libmanan, Camarines Sur.
Nasa kustodya na ng Libmanan Police Station ang pulis na si Corporal Antonio Lagatic Salamanque, 53 anyos, tubong Iriga City, Camarines Sur, residente ng Brgy. Gulod, Quezon City at nakatalaga sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
Sa kabila na 22-taon na bilang pulis, nanatiling corporal ang ranggo ni Salamanque dahil narin sa ilang beses nang na-demote bunsod sa iba’t- ibang kasong kinasangkutan sa serbisyo.
Sa ulat, 2:51 ng madaling araw, sa tulong ng Special Operations Unit 5, Regional Police Drug Enforcement Unit 5, Provincial Intelligence Unit at Libmanan Police, magkatuwang na inila-tag ng PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group at PNP-Drug Enforcement Group sa pangunguna ni Lt. Ronwaldo Cariño ang buy-bust operation laban kay Cpl. Salamanque sa Brgy. Sibujo, Libmanan.
Nakuha sa pulis ang 8 plastic sachet ng shabu na 200-gramo at nagkakahalaga ng P1.36 milyon, isang Taurus Caliber 40 na side firearm, isang M16 armalite rifle. Kumpiskado rin ang sasak-yang ginamit nito sa iligal na transaksyon.