Advertisers
Magbubukas ang University of Caloocan City (UCC) ng bagong College of Engineering campus sa Bagong Silang, Caloocan City – North kapag nagsimula na ang bagong school year, bilang pagtupad sa isa sa mga campaign platform ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.
Mag-aalok ang bagong kolehiyo ng mga programa para sa Electrical, Electronics, Industrial, at Computer Engineering na may libreng tuition tulad ng iba pang UCC programs.
Hinikayat ni Mayor Along ang kanyang mga nasasakupan na samantalahin ang pag-unlad na ito, at ipinahayag na ang pamahalaang lungsod ay nananatiling nakatuon sa pagbibigay kapangyarihan sa mga kabataan at pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit pang mga opsyon para sa mga mag-aaral ng lungsod.
“Ang bagong UCC College of Engineering ay patunay lamang po ng tuloy-tuloy na pagtaas ng antas ng edukasyon sa ating lungsod. Binabati ko po ang lahat ng mga Batang Kankaloo at sana ay huwag nating sayangin ang oportunidad na ito,” wika ni Mayor Along.
“Mga Batang Kankaloo, tandaan niyo na marami kayong posibleng landas na pwedeng tahakin at posibleng trabaho na maaaring kunin. Laging nandito ang pamahalaang lungsod upang siguraduhin na hindi kayo mauubusan ng suporta sa kahit ano pang gusto ninyong marating sa buhay,” dagdag ni Malapitan.
Ipinunto rin ni Mayor Along na marami pang proyekto ang isinasagawa para makapagbigay ng mas magandang edukasyon sa unibersidad ng lungsod at para sa iba pang pampublikong paaralan.
“Hindi pa po tayo tapos. Marami pa pong susunod na proyekto kagaya na nga lang ng UCC College of Medicine and Health Sciences para pangalagaan ang iba’t-interes ng mga Batang Kankaloo,” pahayag ni Along.
Iniskedyul ng UCC na magsisimula sa Hulyo 8 hanggang Hulyo 12 ang isang espesyal na aplikasyon para sa admission para sa mga prospective na mag-aaral sa Engineering.(BR)