Advertisers

Advertisers

Mag-utol na paslit natagpuang patay sa loob ng kotse

0 9

Advertisers

Natagpuang patay ang dalawang bata sa loob ng isang kotse na nakaparada sa bakanteng lote sa Barangay Matias, Sto. Tomas, Pampanga nitong Lunes ng hapon, Hulyo 8.

Ayon sa Sto. Tomas Municipal Police Station, 3:30 ng hapon nang madiskubre ng isang namimitas ng sampalok ang bangkay ng magkapatid na may edad 5 at 6 sa loob ng kotse hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Naamoy raw nito ang masangsang na nagmumula sa kotse kaya sinilip niya ito.
Huling nakita ang magkapatid noon pang July 6.



Ayon sa mga kaanak, hindi raw nagpaalam ang magkapatid na lalabas ng kanilang bahay hanggang sa hindi na nakauwi kinagabihan.

Nagulat na lang ang kanilang nanay nang mabalitaang patay na ang kanyang dalawang anak.

Ayon sa ina ng mga bata, pinakain pa niya noong tanghali ang dalawa at hindi na niya nakita kinagabihan.

Hindi raw nag-aalala ang ina dahil sa pag-aakalang nasa ama lang ang mga bata na nakatira sa ibang barangay.

Nalaman lang ng ina na nawawala pala ang mga anak niya nang madiskubre na ang mga bangkay sa kotse.



Itinanggi naman ng ama na kinuha niya ang mga bata at sinabing noong nakaraang buwan pa niya huling binisita ang mga anak.

Hindi rin umano niya kukunin ang mga bata nang hindi alam ng ina.

“Ako, personally, [pansin ko] nangangamoy na, so ibig sabihin matagal na silang patay,” sabi ni Police Captain Jester Calis, hepe ng Santo Tomas Police.

“Ito, ongoing pa yung SOCO na nag-po-process ng crime scene… initial, ano po namin, wala pong nakitang foul play,” dagdag ni Calis.

Iniimbestigahan pa kung paano napunta sa kotse ang dalawang bata.

Napag-alaman na matagal nang hindi ginagamit ang kotse dahil sira na ito at nakaparada na lamang sa parking lot ng isang funeral house.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at isinailalim na rin sa pagsusuri ng SOCO ang mga labi para malaman ang dahilan ng pagkamatay ng mga magkapatid.