Advertisers

Advertisers

SALPUKAN NG BUS AT PICK-UP TRUCK: 11 NASAWI!

Mga biktima galing sa lamay, pinaglamayan

0 16

Advertisers

Nasawi ang 11 katao na sakay ng pick- up nang masangkot sa aksidente sa bahagi ng Brgy. Ayaga, Abulug, Cagayan nitong Huwebes ng madaling araw, Hulyo 11, 2024.

Batay sa talaan ng PNP Abulug, kabilang sa mga nasawi ang mag-amang sina Rodolfo Time Sr. at Rodolfo Time Jr.; magkapatid na Evelyn Time at Christina Jane Time; kasama ang kanilang mga kaanak na sina Mary Jane Time, Lovely Time, Crishia Shane Time, Kimberly Mangupag-Time, Rodelyn Time, at Angel Time.

Nabatid na si Nestor Mangupag, ang driver ng pick up, na residente ng Gattaran at mga pasahero nito ang magkakamag-anak na pawang residente sa bayan ng Allacapan habang ang driver naman ng bus kinilalang si Jay-jet Andrada na residente ng barangay Logac, Lal-lo, Cagayan.



Ayon kay PMaj. Antonio Palattao, hepe ng PNP Abulug, galing sa isang lamay sa bahagi ng Flora, Apayao ang pick up lulan ang 13 katao na pauwi sana sa Brgy. Dana-Ili, Allacapan habang ang Florida Bus naman binabaybay ang pambansang lansangan mula Baguio City patungong Sta. Ana, Cagayan.

Sinabi ni Palattao, na batay sa inisyal na pagsisiyasat, nang palabas umano ang nasabing pick-up truck sa provincial road ng Brgy. Ayaga dito sinalpok ng bus na nasa proseso ng pagtahak sa pambansang lansangan na nagresulta ng malakas na banggan ng dalawang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impak, dumiretso ang pick up sa isang talipapa habang sumadsad naman ang bus sa pader ng isang establisyimento sa lugar.

Inihayag pa ni PMaj. Palattao na bukod sa driver ng pick up at isang dalagitang pasahero nito wala ng iba pang nakaligtas matapos ang banggan.

Nabalian ng paa ang driver ng bus at nagtamo ng gasgas sa kanilang katawan ang ilang pasaherong sakay nito ngunit nasa maayos nang kalagayan.



Sa ngayon, susuriin din ng pulisya ang mga nakalap na CCTV Footage sa lugar upang matukoy at makumpirma ang kabuuang sanhi ng naganap na aksidente.

Samantala, sinabi ni Major Palattao na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang driver ng bus.(Mark Obleada)