Advertisers
NASAMSAM ng mga pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Philippine Drug Enforcement Agency ang P3 milyon shabu sa isang Honda Civic na kulay maroon at may plakang XNE 528 na pagmamay-ari ng pasahero ng barko na patungo sana ng Calapan, Mindoro sa loob ng Batangas International Port sa Lungsod ng Batangas.
Ang suspek nasa edad 24-anyos at residente ng Barangay Longos sa Lungsod ng Malabon.
Ayon sa pahayag ng Southern Tagalog Coast Guard, nangyari ang pag-aresto sa suspek sa Marshalling Area ng Batangas Port base sa intelligence report ng mga tauhan ng PDEA kaya’t agad isinailalim sa K-9 Sniffing ang sasakyan ng suspek at nadiskubre ang kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng standard market value na P3,200.000.00.
Mahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Laws on Dangerous Drugs Act of 2002 sa ilalim ng Republic Act 9165.(Koi Laura)