Advertisers
TINAWAG na “pathetic” ang Maisug rallyists sa kanilang pagtatangka na magprodyus ng deepfake video ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang naging sentimyento ng mga netizen makaraang mapanood ang deepfake video na inilabas sa Maisug sympathizers sa Los Angeles, California, na nag-udyok kay Executive Secretary Lucas Bersamin na tawagin ang deepfake video na “malisyoso.”
Inatasan na ni Interior Secretary Benhur Abalos ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang deepfake video.
Ipinakita ang paghahambing sa litrato ng Pangulo at ng deepfake video, ipinakita ni Secretary Abalos ang obyus: “‘Yung nasa baba ay ‘yung larawan nu’ng allegedly ating pangulo daw. Tingnan niyo ang tenga. Tingnan ninyo maigi ang tenga dito. Pagmasdan ninyi. ‘Yung larawan ng ating Pangulo sa kaliwa, ‘yung earlobe na tinatawag. Tignan niyo ‘yung nasa kanan.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na ang Pangulo ay naging target ng deepfake videos sa Internet, kung saan ang ilang insidente ay iniimbestigahan na ng mga awtoridad.
“I’m asking our chief PNP, General Marbil, together with General Baccay and, of course, General Cariaga to immediately create a task force to probe this issue. Talagang imbestigahan nila maigi ito,” pahayag ni Abalos sa isang press briefing sa Camp Crame.
Binigyang-diin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang video ay “deepfake” o digitally created.
Binalaan ni DICT Secretary Ivan John Uy ang mga may kagagawan ng deepfake video na maaari silang managot sa ilalim ng mga batas laban sa cyber libel, slander, at malicious mischief.
Binigyang-diin ni Secretary Uy na asahan na ng publiko ang mas maraming deepfake videos lalo na’t malapit na ang eleksiyon.
Binatikos din ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang “malisyosong pagtatangka na pabagsakin ang administrasyon” habang tiniyak sa publiko na “hindi magtatagumpay ang mga ito.”
“Even the release of the contrived video in the USA is a cowardly attempt to escape Philippine criminal jurisdiction,” dagdag ng Defense chief.
Hinikayat ng DND ang mga kinauukulang awtoridad sa United States na imbestigahan at papanagutin ang mga nasa likod ng “nakadidismayang gawaing ito”.
Tinawag ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation, Secretary Larry Gadon ang mga raliyista at sympathizer na “pathetic” at “laos”.
“Sino pa ba eh di siyempre yung mga nasa likod ng mga Maisog, Maisog rally na yan, mga laos na mga tao, yung mga hindi na-appoint, yung mga walang pinagkakakitaan, bitter people who were not appointed,” sabi ni Gadon.
“Ipagpatuloy pa nila lalo, ibaon ninyo lalo sa hukay ang inyong mga sarili dahil talaga namang wala namang pumapansin sa inyo.”