Advertisers

Advertisers

DAMI NANG ‘TELESERYE’

0 25

Advertisers

HINDI na mahagilap ang kontrobersiyal na alkalde ng Bamban na si Alice Guo mula nang magpalabas ng ‘Mandamiento de Arresto’ ang Senado ng Pinas.

Sa pinakahuling balita ay nagpasaklolo na ang Senado sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa paghahanap kay Guo upang mabitbit ito sa Senado.

Gaya ng ginawa nila sa ibang pinaghahanap ng batas, tiyak na tutulong muli ang dalawang ahensiya na ito sa paghahanap kay Guo na sobrang pinasikat kaugnay daw sa iligal na operasyon Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).



Pero kung mayroon naman kakayahan si Guo na umiwas sa Senado sukdulang magtago ito sa lungga ng mga daga ay tiyak na gagawin ito dahil durog na durog na ito sa mga nakalipas na pagdinig.

Magugunitang naglaho rin ang dating hepe ng selda na isinangkot sa maraming pagpatay pero hanggang ngayon ay hindi pa rin masakote ng mga awtoridad kahit ilang ulit nang ipinamamalita na malapit na nila itong maaresto.

Mabilis pa sa kidlat nang bigla na lamang maglaho sa eksena ang kilalang lider ng simbahan makaraan lumabas ang utos ng korte para arestuhin ito kaugnay sa mga kasong kriminal na naisampa laban dito.

Nang dahil sa tila bisyo na ng Kongreso at Senado ay marami na rin silang pinahahanap sa NBI at PNP na mga personalidad na naglaho rin dahil ayaw marahil nilang humarap sa pagdinig o imbestigasyon ng mga ‘Kagalang-Galang’.

Ilan lamang ito sa mga kilalang personalidad ng ating lipunan na pinaghahanap ngayon ng NBI at PNP upang iharap sa korte o sa Kongreso’t Senado subalit bigo ang mga awtoridad na mahagilap ang mga ito.



Ang ganitong eksena ay madalas lang natin mapanood sa mga ‘teleserye’ na kung iisipin ay hindi makatotohanan ang mga nagagawang aksiyon ng bida o kontra-bida gaya ng pag-eskapo ng mga ito sa awtoridad.

Subalit pinatotohanan ng NBI at PNP na ubra pala ito sa totoong buhay lalo kung ang pinaghahanap ng batas ay may [ika nga e] ‘katayuan’ sa buhay. Lumilitaw tuloy na mga ‘dilis’ lamang ang kayang hanapin at arestuhin ng ating gobyerno.

***

Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com