Advertisers
Nagpahayag ng pasasalamat si Senador Christopher “Bong” Go kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pangako ng Punong Ehekutibo na pararamihin pa ang bilang ng mga Super Health Center sa buong bansa.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Go ang kritikal na papel ng mga SHC sa pagpapahusay ng pagkakaroon ng mahalagang serbisyong medikal, lalo sa mga komunidad na may problema sa heograpiya at ekonomiya.
Sa pagninilay sa sinabi ng Pangulo sa katatapos na State of the Nation Address (SONA), muling iginiit ni Go ang pangangailangang ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga tao, partikular sa primary healthcare.
“Una sa lahat, bilang chair ng Senate health committee, nais kong pasalamatan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pangako na dadagdagan pa ang mga Super Health Centers sa buong bansa sa mga susunod na taon,” sabi ni Go.
“Isa ito sa matagal na nating ipinaglalaban na mapondohan para mailapit ang pangunahing serbisyo medikal sa mga mahihirap at mga naninirahan sa mga liblib at malalayong lugar,” dagdag niya.
Ang inisyatibang Super Health Centers ay unang itinulak ni Go bilang chair ng Senate committee on health noong 2021 budget deliberations, isang taon bago ang administrasyong Marcos.
Idinesenyo ang mga Super Health Center upang matutukan ang pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas sa mga sakit. Nagpapalakas din ito sa sektor ng healthcare sa bansa, lalo sa indigent communities.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr., sa kanyang SONA, ang pakikipagtulungan sa local government units (LGUs) sa pagtatayo ng mga Super Health Center, na krusyal para sa paglalagay ng sapat na mga doktor at nars.
“Katuwang din natin ang lokal na pamahalaan sa mga tinatayo nating mga Super Health Centers. Sa tulong ng mga LGUs, malalagyan natin ng sapat na mga doktor at nars ang mga ito, at madadagdagan pa natin sa mga susunod na taon,” talumpati ng Pangulo.
“Layunin natin na sa lalong madaling panahon, lahat ng lalawigan natin ay may sapat na mga center o pasilidad na may kakayahang makapagbigay ng pangunahing serbisyong-medikal para sa ating mga mamamayan,” dagdag ni Marcos.
Bilang karagdagan sa pagpapabuti ng imprastraktura ng pangangalagang pangkalusugan, sinabi ni Go na suportado niya ang programang ito.
“Kasama na riyan ang pagpaparami ng health facilities, pagpapalakas ng medical assistance programs na nasa loob ng Malasakit Centers na ating itinaguyod, pagpapataas ng benepisyo ng PhilHealth, at ang tamang implementasyon ng Regional Specialty Centers Act na ating pangunahing inisponsor at isa tayo sa nag-akda sa Senado. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino!,” sabi ni Go.
Bukod dito, binanggit ng Pangulo ang pinabuting PhilHealth coverage na tumaas ang mga benepisyo para sa mga pasyenteng dumaranas ng malubhang kondisyon sa kalusugan, kinabibilangan ng breast cancer, pagbibigay tulong-pinansyal sa mga pasyenteng sumasailalim sa paggamot.
Ang mga benepisyo para sa mga pasyente ng colon cancer ay pinalakas din, at sa pagtatapos ng taon, ang chemotherapy treatment para sa mga kanser sa baga, atay, ovarian, at prostate ay isasama rin sa coverage ng PhilHealth.
Bilang tugon, sinabi ni Go na sinusuportahan niya ang mga ganitong hakbang para mapahusay ang access sa kalusugan ng publiko.
“Suportado natin ang pagtaas sa coverage at benepisyo ng PhilHealth. Pwede naman pala madagdagan ang mga programa ng PhilHealth, kung tutuusin, para mas mabawasan ang bigat na dala ng mahihirap na pasyente,” anang senador.
Hinimok pa ni Go ang administrasyon na bigyang-prayoridad ang mga patakaran at programa na direktang makikinabang at iaangat ang buhay ng mahihirap o mga higit na nangangailangan ng atensyon ng gobyerno.