Advertisers
Dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina sa ilang bahagi ng bansa, mabilis na tinungo ng Malasakit Team ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga lugar na pinalubog at sinalanta ng baha para mamigay ng food packs at iba pang ayuda.
Mahigpit na nakipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Calumpit sa Bulacan, sa pangunguna ni Mayor Glorime Faustino at Councilor Mau Torres, idiniin ni Go ang kanyang pangako sa pagtulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
“Kami ay patuloy na magbibigay ng tulong sa mga naapektuhan sa abot ng aming kakayahan,” ani Go.
Bukod sa Calumpit, namahagi rin ng grocery packs at mga makakain ang Malasakit Team ng senador sa mga apektadong residente sa Hagonoy at Meycauayan City nu’ng araw ding iyon.
Dinala rin ni Sen. Go ang kanyang relief operations sa Barangay Tumana, Marikina City, katuwang si Brgy Captain Ziffred Acheta para mabigyan ng agarang tulong ang mga biktima ng ST Carina.
Namahagi ng tulong ang Malasakit team ni Go sa 150 pamilya na nakatanggap ng mahahalagang food packs at kamiseta.
Si Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, ay namahagi ng tulong medikal sa mga residenteng nahaharap sa mga isyu sa kalusugan. Hinimok niya ang mga ito na bisitahin ang Malasakit Center sa lungsod, na matatagpuan sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Mula nang ilunsad ito noong 2018 at ang institusyonalisasyon nito sa ilalim ng Republic Act No. 11463 na pangunahing itinaguyod at isinulat ni Go noong 2019, ang 166 Malasakit Centers ay nakatulong na sa humigit-kumulang 10 milyong mahihirap na pasyente sa buong bansa.
Noong nakaraang araw, personal ding tinulungan ni Go ang mas maraming biktima ng bagyo sa Pasig, Maynila, Malabon, Caloocan, Navotas at sa lalawigan ng Rizal.
Bilang isang mambabatas, nakatuon si Go sa pagpapahusay ng katatagan at paghahanda ng bansa sa kalamidad.
Idiniin ni Go ang kahalaaghan ng Senate Bill No. 2451, o Ligtas Pinoy Centers bill, na kanyang co-sponsor at isa sa mga may-akda. Ang iminungkahing batas na ito ay layong magtatag ng mga permanente at kumpleto sa gamit na mandatory evacuation center sa buong bansa kung magiging ganap na batas.
“Kapag dumating ang sakuna, ang mahihirap ang nagdurusa. Kailangan natin magpatayo ng mga dedicated evacuation centers na may basic facilities at sapat na emergency supplies, gaya ng tubig, gamot at relief goods, para hindi na sila nagsisiksikan sa mga covered court o paaralan,” ani Go.
Aktibo rin siyang nagsusulong para sa pagpapasa ng Senate Bill No. 188 na naglalayong itatag ang Department of Disaster Resilience (DDR). Nilalayon ng DDR na isentralisa ang mga pagsisikap sa pagtugon sa kalamidad, i-streamline ang koordinasyon, at tiyakin ang mas epektibong pagtugon sa mga emergency.