Advertisers
Sinampahan ng kaso ang dating opisyal ng gobyerno ng dating empleyado nito sa Quezon sa panggigipit at pananakot sa kanya.
Isinampa ni Jestin Imus Aquino, residente ng Brgy.Tagimbac, Bayambang, Pangasinan, ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9516 (Section 4-a) at Republic Act. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition) sa ilalim ng criminal case na planting of evidence sa Office of the Provincial Prosecutor sa San Carlos, Pangasinan noong July 23.
Ayon sa pahayag ni Aquino, dati siyang nagtatrabaho kay dating Quezon Governor Danilo Suarez at naglakas loob na itong lumutang at magsampa ng kaso laban sa dating Governador kasama ang sampung iba pa.
Ibinunyag ni Jestin ang masasamang gawain ng mga respondents kung saan ginamit siyang testigo laban sa sarili nitong ama na si Jaime Aquino sa Pangasinan.
Mariing sinabi ni Jestin, na nagsabwatan umano ang mga respondents na ipakulong ang kanyang ama na si Jaime na isa rin mamamahayag sa pamamagitan ng pagtatanim umano ng granada at baril sa kanilang bahay at pagsampa ng iba’t-ibang kaso laban sa mag-asawang Engr. Ronnel Tan at Gov.Agelina “Helen” Tan.
Sa ngayon, pinagsisishan ni Jestin ang kanyang maling nagawa na sa halip ang ama ang kampihan nakuha pa niyang idiin ito sa kasong wala naman katotohanan.
Aniya, napapayag siya na tumestigo laban sa kanyang ama nang masilaw siya sa malaking halagang at sasakyan na ibinigay sa kanya at mayroon din itong galit sa ama.
Sinabi pa ni Jestin na nasaksihan niya ang pagtatanim ng granada at baril sa bahay ng kanyang ama sa Pangasinan at nagkibit balikat lamang siya sa kanyang mga nakita at sa halip iba ang kanyang naging pahayag sa mga otoridad kaya nakulong ang kanyang ama.
Napilitan nang lumantad si Jestin nang malaman nito na ipapatay na ‘di umano ang kanyang ama at maging siya may mga pagbabanta na rin sa kanyang buhay dahil may mga umaaligid ng sasakyan sa kanyang bahay at naka-bonnet na lalaki. Hindi naman nakuhanan ng maliwanag ang plate number ng kotseng umaaligid sa kanyang bahay dahil malabo ito sa kuha ng CCTV.
Nais nang itama ni Jestin ang kanyang malaking pagkakamali at sa tulong ng kanyang mga abogado na sina Atty.Tanya Lingat at Atty.Charlie Santos humarap siya sa mga mamamahayag upang makarating sa kanyang ama ang paghingi nito ng tawad.