Advertisers
PINAG-IISIPAN ni Senador Win Gatchalian ang pag-aamyenda sa Subscriber Identity Module (SIM) Registration Law kasunod ng malawakang paggamit ng (SIM) card ng mga scammer.
“Marapat lang sa gobyerno na protektahan ang ating mga kababayan mula sa anumang pinsalang dulot ng mga mapanlinlang na aktibidad ng mga cybercriminal, kabilang na ang mga operasyon ng POGO na nagsisilbing mga scam hub upang gumawa ng mga krimen,” sabi ni Gatchalian.
Aniya, may posibilidad na maglipana pa rin ang mga POGO ng patago sa kabila ng total ban.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang tukuyin ang mga indibidwal o organisasyon na nagbibigay-daan sa paggamit ng mga rehistradong SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO upang matulungan ang mga mambabatas na suriin at palakasin ang mga kaugnay na batas at patakaran, kabilang ang posibleng amendments sa SIM Registration Law.
Kabilang sa mga posibleng amendment ay ang paglilimita sa bilang ng mga pinapayagang SIM na maaaring irehistro sa bawat user at pagre-regulate ng Short Message Service (SMS) marketing, promotional, political o fundraising na ipinapadala sa pamamagitan ng mga SIM. (Mylene Alfonso)