Advertisers
Muling pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government – National Capital Region (DILG-NCR) ang Caloocan Committee on the Anti-Trafficking and Violence Against Women And Children (CCAT-VAWC) para sa patuloy na pagpapabuti ng kampanya nito upang protektahan ang interes ng kababaihan at bata sa lungsod.
Batay sa resulta ng Functionality Assessment na isinagawa ng DILG-NCR, ang CCAT-VAWC, nakakuha ng kabuuang rating na 108, na itinuturing na “ideal” dahil sa mga inobasyon at patuloy na pagsisikap na ipinatupad ng lokal na komite upang matupad ang mandato nito.
Ipinahayag ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kanyang pagmamalaki sa mga nagawa ng CCAT-VAWC at nangakong sa ilalim ng kanyang administrasyon, ang mga kababaihan, bata, at iba pang miyembro ng mga mahihinang sektor ay patuloy na mapoprotektahan at mabibigyang kapangyarihan.
“Muli po akong nagpapasalamat sa CCAT-VAWC para sa patuloy na pakikipagtulungan sa buong pamahalaang lungsod upang ipagpatuloy ang mga programang nangangalaga at nagbibigay proteksyon sa kababaihan at sa kanilang mga anak,” pahayag ni Mayor Along.
“Sa ilalim ng aking administrasyon, tiniyak natin na ligtas ang buong lungsod at ligtas ang mga Batang Kankaloo. Makakasiguro po ang lahat na mas paiigtingin pa natin ang mga kasalukuyan nating ginagawa upang mailayo ang ating mga mamamayan sa kahit anong pang-aabuso, diskriminasyon, at kriminalidad,” dagdag pa ni Malapitan.
Kinilala rin ni Mayor Malapitan ang inspirasyon at motibasyon na ibinigay ng mga pagkilalang natanggap ng pamahalaang lungsod para sa mga natatanging programa nito.
“Siyempre po, hindi ko maikakaila na natutuwa ako at lahat ng mga kasama natin sa paglilingkod kapag nabibigyan ng parangal ang ating mga ginagawa para sa mga kababayan natin. Meron man o walang award, asahan niyo po na mas pagbubutihin pa natin ang serbisyong ibinababa sa mga mamamayan,” pahayag ni Mayor Along.(BR)