Advertisers
Pormal nang kinasuhan ni dating Caloocan Rep. Edgar Erice ng anti-graft and corruption practice si Commission on Elections (Comelec) Chair George Garcia sa Office of the Ombudsman dahil sa P18 bilyong kontrata na iginawad sa South Korean firm na Miru Systems, nitong Martes, August 20,2024.
Kinasuhan ni Erice si Garcia at iba pang opisyal ng Comelec upang magpaliwanag sa umano’y katiwalian at idepensa ang bilyun-bilyong halaga ng pondo na ipambabayad nito mula sa kaban ng bayan.
Itinanggi ni Erice na bahagi ang kanyang hakbang ng isang “demolition job,” at aniya, nais lamang niyang kuwestiyunin ng legalidad ng P18 bilyong kontrata sa Supreme Court (SC).
Sinabi ni Erice na magpapatuloy siya sa pakikipaglaban hanggang sa ma-impeach ang mga sangkot na poll officials.
Noong Abril, hiniling ng dating mambabatas sa SC na ideklarang “null and void” ang kontrata sa pagitan ng Comelec at Miru.
Naghain din ang dating mambaatas noong Hulyo ng mosyon sa Mataas na Hukuman, na humihiling sa SC na i-contempt si Garcia sa diumano’y paglabag sa sub judice rule sa petisyon nang sabihin nitong maaaring gumamit ang Comelec ng manu-manong halalan sa 2025 sakaling maglabas ang SC ng desisyon laban sa mga sistema ng Miru. (Almar Danguilan)