Advertisers
DAHIL sa hinalang pakikipagsabwatan ng mga tagapagpatupad ng batas tulad ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcing agency ay lalong lumala ang di masawatang operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies sa Luzon lalo na sa CALABARZON na itinuturing na sentro ng ilegal na operasyon ng STL bookies na ngayon ay kilala na bilang 1-40 jueteng.
Sina Laguna Representative Dan Fernandez, Rizal Congressman Romeo Acop at House Majority Floor Leader Erwin Tulfo ang bumusisi sa lumalaganap na operasyon ng STL bookies dahil sa hinihinalang hindi lamang may proteksyon ang mga maintainner sa mga awtoridad kundi maging sa ilang mga gobernador at karamihan sa mga local government official.
Sa bisa ng Resolution No. 1549 ay ipinatawag ng mga kongresista noong March 2024 ang mga top police official sa CALABARZON sa pangunguna ni PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas at lima nitong PNP Provincial Director upang umugit ng batas na susugpo sa operasyon ng naturang ilegal na sugal.
Nadiskubre ng mga kongresista na ang lalawigan ng Laguna ang may pinaka talamak na STL bookies operation, katunayan ay ang pagka aresto dito ng may 2,211 na sangkot sa naturang sugal, pangalawa ang Batangas na may 2,014, pangatlo ang Cavite na may 306, Quezon ay umabot sa 292 at Rizal na may 31.
Karamihan sa mga bookies operator ay kinilala lamang sa report nina RD Lucas sa kanilang mga alyas. Sa pagkabunyag ng mga bookies maintainer pati na ang nakikipagsabwatang ilang STL franchise holder ay inakala ng mga mambabatas na mababawasan na ang garapalang STL bookies o jueteng operation sa naturang mga lalawigan.
Kasunod ng pagsisiyasat ng kamara ay pansamantalang ipinatigil ng ilang provincial director ang operasyon ng ilang PCSO STL franchise holder sa ilang probinsya sa CALABARZON, ngunit palibhasa’y gimik lamang pala at upang makapagpalaki ng tara ay tuloy din ang ligaya ng mga STL con jueteng operation sa buong rehiyon.
Upang mapaglalangan ang ilang tolongges o kaya ang mga nagtatanga-tangahang mga opisyales at miyembro ng kapulisan, NBI at iba pang awtoridad ay pinalutang ng mga tusong STL bookies operator na pawang may mga permit sila bilang mga Authorized Agent Corporation (AAC) ng PCSO.
Ang kaisa-isa at pansamantalang pinagkalooban lamang ng permit bilang lehitimong AAC-PCSO sa Batangas ay ang Refresh Gaming Corporation sa Lipa City na pinapatakbo ng isa sa kinikilalang maimpluwensyang pulitiko sa lalawigan.
Upang ma-proseso ang application na maging ACC ang STL operator ay kailangang rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang isang korporasyon at may kapital na Php 25 milyon. Ilan lamang ito sa may mahigit sa dalawampung requirement o rekisitos na itinakda ng PCSO upang kunsiderahin ang aplikasyon ng alinmang aplikante bilang AAC.
Bawat siyudad sa Batangas ay may tumatakbong operasyon ng STL bookies tulad sa Lipa, Tanauan, Sto. Tomas, Batangas at Calaca; mga bayan ng Lemery, Nasugbu, Tuy, Lian, Malvar, Padre Garcia, Bauan, San Juan, Balayan, San Luis, Laurel, Ibaan, Nasugbu, Calatagan, Sta. Teresita, Cuenca, Alitagtag, Mabini, San Nicolas, Agoncillo, Alitagtag, Balete, Lobo, San Pascual at iba pa na halos lahat ay hinihinalang pinatatakbo ng mga STL bookies operator.
Sa Lipa City ang STL bookies operator na aakalaing nag-ooperate ng legal na PCSO STL at pawang nagpapakilala pang political allies ni Mayor Eric Africa ay ang sindikatong “Big 4” na kinabibilangan nina alyas Ana Tomboy, Gary ng Brgy. Sampaguita, alyas Kap Ronald ng Brgy. Sabang, alyas Kap Randy ng Brgy. Sulok, Icaro G. at Macoy ng Poblacion. May sampung mansyon sa ibat ibang sulok ng siyudad si alyas Ana Tomboy na iniuulat na taguan ng “Big 4” ng mataas na kalibre ng baril at shabu.
Ang iba pang STL con jueteng operator sa Lipa City na pawang hayag ding big time shabu pusher ay sina alyas Kap Gonzales ng Brgy San Benito, alyas Kap Fonte ng Brgy. Granja, alyas Kap Boyet ng Brgy. San Lucas, alyas Kap Lacorte ng Brgy. Sto. Toribio at Saint Michael, alyas Kap August ng Brgy. 8, Poblacion, mag-asawang alyas Haije at Aiza ng Brgy. San Jose, alyas Kap Sara ng Brgy. Sampaguita, alyas Saavedra ng Brgy. Balintawak Alyas Lorenz ng Brgy. Poblacion 4, alyas Topher Taba, Neneng at Vilma ng Brgy. Uno, Calle Pogi at Amapola Subdivision, Linda ng Brgy. Balintawak at alyas Yema ng Brgy. Pangao, alyas Kap Carling at Maliwanag ng Brgy. Bulacnin, alyas Kap Wanita at Kap Fernan na siyang komokopo ng kubransa sa 34 na barangay ng South at North District ng naturang siyudad.
Mga KASIKRETA, may kapasidad kaya ang aktibo at retiradong pulis o militar na karamihan ay mga corporal at sarhento, barangay kapitan, kagawad, tanod, goons, kristo ng sabungan na kaalyado sa pulitika o kamag-anak ng mga local government official o dili kaya ay dummy ng ilang mga alkalde at provincial gov’t. official at may puhunang tumataginting na Php 25 milyon upang pansamantalang kunsiderahin ng PCSO ang kanilang application bilang ACC?
Wari’y napaiikutan naman ng mga naturang ilegalista sina Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr. at Lipa City Police Chief Rix Villareal. Napapaikutan nga lamang kaya? Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144