Advertisers

Advertisers

M4GG, tinawag na ‘politically motivated’ ang mga kaso laban kina Sotto, Teodoro, Treñas habang nalalapit ang 2025 elections

0 38

Advertisers

MAHIGPIT na tinuligsa ng Mayors for Good Governance (M4GG) ang mga pag-atakeng pulitika laban sa ilan sa mga miyembro nito bago ang 2025 elections.

Ito ay kasunod ng pagsasampa ng iba’t ibang kaso laban sa dalawa nitong convenors na sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Marikina City Mayor Marcy Teodoro gayundin kay Iloilo City Jerry Treñas.

“Ipinapahayag ng Mayors for Good Governance ang buong suporta at tiwala sa ating mga convenor na sina Marikina City Mayor Marcy Teodoro at Pasig City Mayor Vico Sotto, at gayundin kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas.”



“Ang mga isinampang reklamo laban sa kanila sa Ombudsman ay pagkakataon upang lumabas ang katotohanan at malinis ang kanilang mga pangalan,” ayon pa sa M4GG.

Nanindigan ang grupo sa kredibilidad ng kanilang mga miyembro nito dahil sa kanilang track record bilang public servants.



“Bilang isang samahan na isinusulong ang mabuting pamamahala at paglaban sa katiwalian, palagi namin pinapahalagahan ang transparency at accountability. Ang tatlong alkalde ay nagpamalas at patuloy isinasabuhay ang mga prinsipyong ito,” punto ng M4GG.

“Patuloy tayong titindig, lalabanan ang mali, at isusulong ang ikabubuti para sa mga Pilipino.”



Si Sotto ay nahaharap sa mga reklamong graft tungkol sa hindi umano niyang pamamahagi ng mga cash allowance sa mga empleyado ng Pasig City Hall at mga akusasyon umano ng pagbibigay ng iligal na diskwento sa isang telecommunications provider.

Inakusahan naman si Mayor Teodoro ng technical malversation kaugnay ng umano’y maling paggamit ng Philhealth fund.

Samantala, si Mayor Treñas ay nahaharap sa grave misconduct charges sa Office of the Ombudsman kaugnay ng demolisyon sa makasaysayang Iloilo City public market.