Advertisers
NAGSAMPA ng pormal na reklamo ang labing-isang (11) matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) nang ma-trap sa loob ng elevator ng Plaza Hotel sa Balanga, Bataan, na nagdulot sa kanila ng psychological trauma.
Sa isang liham ng reklamo kay Mayor Francis S Garcia, sinabi ni Annuar B. Datudacula, Deputy District Collector for Operations, na inihain nila ang reklamo upang maiwasan ang mga pangyayari sa hinaharap at anumang hindi kanais-nais na insidente na maaaring mangyari sa publiko.
Sinabi ni Datudacula na siya at ang kanilang 10 iba pang tauhan ng BOC na nanggaling mula sa BOC Central Office Iligan city at Cagayan de Oro City ay bababa noon mula sa ika-3 palapag ng hotel nang tumunog ang elevator at ayaw nang bumukas ang pintuan at nakulong sila sa loob ng 20 minuto.
Lalo pang nadagdag sa pangamba ng mga taga-custom nang natuklasang walang certificate of inspection o certificate of operation na inisyu ng isang opisyal ng gusali na naka-display sa loob ng elevator.
Ayon pa kay Datudacula, sa kabila ng paghingi nila ng saklolo gamit ang emergency system ng hotel walang rumesponde sa kanila na mga tauhan ng hotel.
Ayon pa sa mga taga-BOC, minaliit ni Joel Guinucud, director for Special projects ng Plaza hotel, ang kanilang mga reklamo dahil sinisisi niya ang Peninsula Electric Cooperative (PENELCO) sa hindi matatag na supply ng kuryente.
Nakalabas ang mga tauhan ng BOC nang pagtulungang puwersahing buksan ang pinto ng elevator ng Plaza hotel.