Advertisers
IGINIIT ng pulisya na nagtatago parin ang pugante na si Pastor Apollo Quiboloy sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City sa kabila ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na maaring umalis na ang lider ng relihiyon sa lungsod.
Sinabi ni Brigadier General Roderick Alba, acting director ng PNP police community relations, na may natanggap na tip ang mga alagad ng batas na nasa 30-ektaryang compound parin ang televangelist.
“We respect the opinion of our VP but ang ating Task Force Commander at STG, naniniwala na there is existing information consistent na ‘yung subject ng kanilang arrest warrant positive sa area,” anang heneral.
“Sinusuyod ang lahat ng mga pwedeng daanan o lagusan sa buong compound. We are now focused sa areas na nagsa-suggest ‘yung ating information na nandun ang ating hinahanap.”
Si Quiboloy, isang malapit na spiritual adviser ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ay inakusahan ng sex-trafficking na mga batang babae at kababaihan na may edad 12 hanggang 25 upang magtrabaho bilang mga personal assistant, o “pastorals”, na hinihiling umano na makipagtalik sa kanya.
Ang 74-taon gulang na pastor at limang iba pang nasasakdal ay kinasuhan ng ‘qualified human trafficking’ at iba pang mga gawain ng pang-aabuso sa bata.
Itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang, sinabing ginawa ng mga babae ang mga paratang matapos niyang tanggihan ang mga ito. Inilagay din ng US Federal Bureau of Investigation si Quiboloy sa ‘most wanted list’ nito para sa pagsasabwatan sa ‘sex trafficking’ sa pamamagitan ng puwersa, pandaraya at pami-milit, sex trafficking ng mga bata at bulk cash smuggling.
Nauna nang sinabi ng Bise Presidente na may sapat na panahon si Quiboloy na umalis sa Davao dahil sa “haba ng grandstanding” sa pagdinig ng komite ng Senado.
Sinabi niya na hindi niya nakita ang isang diumano’y underground bunker sa KOJC bilang inaangkin ng pulisya.
Nagbiro din siya na maaa-ring nasa langit na si Quiboloy.
“One guess kung nasaan si Pastor Quiboloy? Nasa langit na siya,” anang bise presidente.
Sinang-ayunan ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Quiboloy, ang pahayag ng Bise Presidente, sinabing maaaring umalis ang pastor sa compound noon pang Marso.