Advertisers
INIREKLAMO ang isang lalaking guro dahil sa pagkagat umano nito sa dalawang estudyanteng lalaki sa Cebu City.
Ang guro ay nagtuturo ng MAPEH sa Don Vicente Rama Memorial National High School (DVRMNHS).
Ang mga biktima ay edad 14 at 17 anyos.
Ang 14-anyos ay kinagat sa likod, at ang 17-anyos ay sinakmal sa braso.
Ang ama ng isa sa mga estudyante na isang pulis, desididong sampahan ng reklamo ang guro.
Kuwento ng amang pulis, sinabihan umano ng guro ang kaniyang anak na hubarin ang t-shirt para makita ang abs nito.
Nagbanta pa raw ang guro sa estudyante na may hindi magandang mangyayari sa kaniya kapag hindi sumunod. Pero kahit naghubad na raw ang binatilyo, kinagat pa rin umano ito ng guro sa likod, na nag-iwan ng marka.
Dinala ng ama ang kani-yang anak sa ospital para ipa-medical examination at nag-report sa Police Station 7 para sampahan ng reklamo ang guro.
Naging emosyonal naman ang ina ng isa pang estud-yante nang malaman niya ang mga pahiwatig na pagsasamantala umano ng guro sa kaniyang anak, na kinagat sa braso.
Nagpunta ang mga magulang sa chairman ng barangay na nakasasakop sa lugar para magsampa rin ng reklamo laban sa guro.
Ayon kay Chairman Dave Tumulak, may basehan ang reklamo laban sa guro dahil na rin sa ipinakitang ebidensiya gaya ng medical certificate, larawan, video at mga testimonya.
Sinabi naman nina Noel Auxtero at Noel Nacorda, head teachers sa DVRMNHS, nagsumite na sila ng ulat sa Cebu City Department of Education (DepEd) Division tungkol sa insidente.
Isasailalim sa counseling at debriefing ang mga estudyante at mga kaklase nito na nakakita sa insidente bilang psychological interventions.
Natanggap na ng regional director ng DepEd Central Visayas ang naturang report, at iginiit na hindi nila kukunsintihin ang mga naturang gawain ng isang guro.
Sinubukang kunan ng pahayag ang inirereklamong guro pero tumanggi ito.