BILYONES NA NAKAW NG VIOLAGO SYNDICATE, GIIT NA IMBESTIGASYON NI SEC. REMULLA WA EPEK!

Advertisers
Ni CRIS A. IBON
“WALANG boto” at ‘di makatatayo ang imbestigasyong ikinakasa ni Justice Secretary Crispin Remulla dahil sa kawalan ng suporta ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcing agency kaugnay sa isyu ng talamak na smuggling at paihi operation ng sindikatong Violago sa Region 3, Metro Manila at CALABARZON.
Sa kabalintunaan pa nito, sa halip na maghinay-hinay ang operasyon ng naturang sindikato ay lalo pang naging hayag, garapalan at mapangahas ang pagnanakaw ng mga ito ng bilyones na halaga ng petroleum products at nakapag-ooperate hanggang Batangas City, Carmona City, Cavite, Lucena City at Quezon Province.
Hinala ng samahan ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), may kinalaman ang ilang opisyales ni Batangas PNP Provincial Director Colonel Jacinto “Jack” Malinao, Jr. at lokal na pulisya sa ilalim ni LtCol. Jephte Banderado kaya’t nakapagkuta, parang ligal at malayang nag-o-operate ng paihian/burikian ang isang alyas Rico Mendoza sa kahabaan ng Barangay Banaba South Bypass Road, Batangas City.
Si alyas Rico ay dummy at kinakapitalan ng sindikatong Violago na pinamumunuan ng Bulacan-based at drug trader na sina alyas Goto, Bogs at Cholo, ayon pa sa MKKB.
Ang malalaking kuta ng Violago syndicate ay nasa iba’t ibang lugar sa Bataan, Bulacan at iba pang parte ng hurisdiksyon ni Region 3 PNP Director, BGen. Jose Hidalgo, Jr.
Ang sindikato rin ang nagsu-supply ng Methanol, ang kemikal na pambanto sa mga kargamento ng tanker at capsule truck na napagnanakawan nina Rico at ng mga alipores niyang pawang drug addict.
Matapos na manakawan ng kargamento ang mga tanker truck ay hinahaluan ng Methanol ang nabawasang petrolyo upang magmukhang hindi nagkulang ang kargamento kaya’t hindi na pure na krudo, gasolina at gas ang produktong idine-deliber at binebenta sa mga gasoline station ng mga delivery tanker ng sindikato.
Ang mga buriki helper ay kusang inilululong ng Violago Group sa bisyong paggamit ng shabu upang lalong lumakas ang loob ng mga ito sa panghaharang ng mga tanker driver na bantulot na magbenta sa kanila ng nakaw na produktong petrolyo.
Armado ng baril at bangag sa droga kaya hindi makapalag ang mga pobreng truck driver at helper kapag hinaharang ang mga ito ng mga galamay ni Rico sa kahabaan ng Batangas Diversion at Bypass Road upang magbenta sa kanila ng pinaka mababang 1,000 litro ng “white product” (gasolina, krudo, A1 Jet Fuel at gas).
Bawat litrong mabawas sa kargamento ng mga tanker at capsule truck ay agad ding pinapalitan nina Rico ng Methanol upang ‘di mahalata ng mga operator ng tanker hauler na pinagnakawan na sila ng sindikato sa pakikipagkutsaban ng kanilang mga tsuper at helper.
Nagpapasingaw din sina Rico ng Liquified Petroleum Gas (LPG) at isinasalin sa mga basyong tangke ng LPG sa loob ng nababakuran ng galvanized iron sheet (yero) na kuta sa naturang barangay habang binabantayan ng ilang tanod at unipormadong pulis na sakay pa ng mobile car.
Nakunan ng litrato ng Police Files Tonite ang pinagkukutaan ng Violago Group at Rico sa Brgy. Banaba South Bypass Road, Batangas City.
May paihian din ang Violago Group na pinatatakbo ni alyas “Colonel Buriki”, isang Duterte Die Hard Supporter (DDS) na PNP Colonel, at ng kanyang bodyguard/hitman na pekeng Police Sgt. Buloy sa may main gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara.
Tinukoy din ng MKKB ang Brgy. Bancal sa Carmona City na pinakamalaking paihian/burikian ng sindikatong Violago sa CALABARZON. Pinatatakbo ito ng isang alyas Amang at deka-dekada nang nag-o-operate sa hurisdiksyon ni Mayor Dahlia Loyola at Police Chief LtCol. Jefferson Ison. Ngunit tila wala namang kaalam-alam sa operasyon nito sina Cavite PNP Provincial Director Col. Eleuterio Ricardo Jr. at Gov. Jonvic Remulla.
Ang kawalang muwang din ni Col. Ricardo Jr. at ng kanyang mga intelligence operative ang sinasabing dahilan kung bakit laganap ang operasyon ng mga saklaan ng pekeng NBI agent na si alyas Elwyn at isang alyas Hero na nagpapakilala namang katiwala ni Remulla.
Lantaran sa halos lahat na bayan at siyudad sa Cavite ang pasakla nina Elwyn at Hero.
Pinaka talamak ang operasyon ng mga saklaan sa mga bayan ng Maragondon, Noveleta, Bailen, Magallanes, Naic at Ternate, mga siyudad ng Dasmarinas, Bacoor at Cavite. Pati sa mga sabungan ay may nakalatag ding mga saklaan sina Elwyn at Hero.
Sina Elwyn at Hero kasabwat ang pulis na alyas Richard ang may basbas din sa operasyon ng bookies ng EZ 2, Swertres at Perya ng Bayan (PnB) ng isang Nita Kabayo at alyas Jun Toto sa Dasmarinas City at iba pang siyudad at bayan sa Lalawigan ng Cavite.
Tuloy-tuloy naman ang kung tawagin ay “Panapana Style” na paihian/burikian nina Troy at Bong kahit “nasa ibabaw din lamang ito ng tungki ng ilong” ni Lucena City Police Chief LtCol. Dennis De Guzman at City Mayor Mark Don Victor Alcala.
May paihi din ang sindikatong Violago sa Brgy. San Luis, Guinyangan, Quezon na minamantine nina Sammy at Alfred. Dedma lang dito sina Quezon Gov. Angelina Tan at PNP Provincial Director Col. Ledon Monte.
Taliwas sa ipinamamalita ng mga awtoridad na nag lay-low na ang operasyon ng Violago Group kasunod ng paglubog kamakailan ng tatlong barkong hininalang gamit ng sindikato sa pagpupuslit ng kontrabandong petrolyo sa bansa at pangungungulimbat ng mga ito sa mga ocean going vessel, local petroleum depot at refineries, ay lalo pang tumindi ang operasyon ng paihi dahil sa kawalan ng suporta at sa halip ay nakipagkutsabahan pa ang maraming opisyales ng PNP, NBI, local at barangay officials, kaya’t nabalewala ang imbestigasyong hiniling kamakailan ni Sec. Remulla kina PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at NBI Director Jaime Santiago.