Advertisers
Nasawi ang 16-anyos na lalaki nang pagbabarilin sa ulo sa loob ng barangay hall nang magnakaw ng mga bakal sa Cabuyao, Laguna.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Dadoy” na inimbitahan umano sa barangay hall noong Linggo ng gabi sa gitna ng umano’y pagkakasangkot nito sa pagnanakaw.
Hindi na siya nakabalik nang buhay sa kanyang pamilya noong gabing iyon, ayon pa sa imbestigasyon.
“May pumunta po dito na hinahanap daw po ‘yung anak ko at sangkot daw po siya sa pagnanakaw po ng bakal. Pumunta raw po ‘yung anak ko doon,” ani Malou Valenzuela, ina ng biktima.
Sa report, isang magsasaka ang salarin kung saan ninakaw umano ni “Dadoy” ang mga bakal at pera. Lasing siya pagdating sa barangay hall, sabi ng pulis.
“Itong bata natin ay nandoon lang para sa pagtatanong tungkol sa mga nangyayaring theft incident,” ani Cabuyao Police chief Lieutenant Colonel John Eric Antonio.
“Biglang dumating itong sa-larin na tinatanong natin ‘yung bata sa barangay hall tapos eto na ang nangyari.”
Inaresto ng mga awtoridad ang salarin, ngunit hindi na nakuha sa kanya ang baril.
“Ito po ang current na nire-recover namin dahil accordingly upon escape niya itinapon niya somewhere ‘yung ginamit niyang firearm,” ani Antonio.
Inamin ng salarin ang kanyang krimen at sumailalim sa inquest proceedings para sa mga kasong murder.
Sa kabilang banda, naniniwala ang pamilya ni “Dadoy” na may mga lapses sa bahagi ng barangay nang pagbabarilin sa loob ng pasilidad.