Advertisers
NABABALEWALA ang mahigpit na direktiba laban sa illegal gambling at “No take Policy” ng tanggapan ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil at PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas sa kanilang mga police chief pagkat tila pader pa ding hindi matibag-tibag ng mga ito ang operasyon ng mga ilegal na front din ng kalakalan ng droga sa lalawigang ni Batangas Governor Hermilando Mandanas.
Palibhasa’y hindi umaaksyon si Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr. sa gabundok na reklamo laban sa malaganap na ka-ilegalan sa halos lahat ng limang siyudad at 29 na bayan sa naturang lalawigan kaya ang resulta ay nagsumbong na kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga apektadong mamamayan.
Sa kanilang sulat, na ang kopya ay ipinadala sa Police Files Tonite (PFT) ay tinukoy ng grupo ng mga Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) ang pinakamalaking saklaan sa bahay ng isang alyas Ka Monina sa Brgy. Banaba, Padre Garcia di kalayuan sa bahay ni Brgy. Captain Nonato Gonzales.
Nagmumukhang inutil si Kon. Gonzales na nanunungkulan pa namang Pangulo ng ABS Federation ng bayan ng Padre Garcia kung hindi nito pakikilusin si Police Chief Major Raymon Dayagan laban sa mga naturang saklaan na pinapatakbo nina alyas Tisoy at Nonit sa naturang barangay?
Bukod sa nasabing sakla joint ay perwisyo din ang inirereklamong operasyon ng Small town lottery (STL) bookies na inooperate din nina alyas Tisoy at Nonit sa 18 barangay ng naturang bayan kasama na ang mga laylayang barangay ng Lipa City, Rosario at San Juan. Rebisahan ng taya ang bahay ng isang Nilo sa Brgy. Sambat bago magbola ang STL bookies tatlong beses din kada araw.
May paihian/burikian ng petroleum product din sina alyas Tisoy at Nonit sa mga barangay ng San Felipe at Bawi kakutsaba sina alyas RR at Roy. Ngunit dahil sa matinding koneksyon nina alyas Tisoy at Nonit sa mga tanggapan ng PNP Region 4A, PD Malinao Jr., Police Chief Major Dayagan, CIDG RFU 4A Col. Reynante Panay at maging sa NBI Region 4A District at Batangas District Office ay hindi masawata ang napakatagal nang labag sa batas na negosyo nina alyas Tisoy at Nonit.
Hindi lamang re-election bid nina Padre Garcia Mayor Celsa Braga-Rivera at anak nitong Vice- Mayor Micko Angelo Rivera ang apektado kundi pati na rin ang ipinangingilak nina alyas Tisoy at Nonit ng campaign fund na kandidato nilang si alyas Mr. Mike Romantiko.
“Hapit” ang operasyon ng STL bookies operation nina alyas Tisoy at Nonit sa 18 barangay ng Padre Garcia at mga laylayang lugar ng San Juan, Lipa City at Rosario pati saklaan at paihian/burikian na may bentahan din ng shabu upang makaipon ng milyones na election fund na pandagdag sa milyones ding suporta ng mga Intsik na mga POGO operator sa kanilang kandidatong taga Nueva Ecija na si alyas Mr. Mike Romantiko.
Ibinubuhos na ng mga kriminal na Chinese ang suporta kay Mr. Mike Romantiko pagkat batay sa survey ay tiyak na matatalo ito kung sa buwang kasalukuyan gaganapin ang midterm election. Talunan at mamumulot lamang ng boto si alyas Mr. Mike Romantiko tulad nang tumakbo ito sa pagka kongresista noong nakaraang 2022 election.
Isinumbong din ng MKKB kay Sec. Abalos ang sangkaterba pang mga saklaan sa mga bayan ng Nasugbu na inooperate ni Willy Bokbok na operator din ng STL bookies sa 42 barangay ng bayan ni Mayor Antonio Jose Barcelon.
Inireklamo din kay Sec. Abalos ang mga saklaan nina alyas Ocampo at Badoy sa Tanauan City. Ang dalawa ay kapwa mga STL bookies operator sa Tanauan City kasama sina Dimafelis, Ms. Bagsic, Cristy, Melchor, Ablao, alyas Jr. Biscocho, alyas Kap Mike, Kap Burgos, Montilla, Llanto, Lawin, Gerry T., Gerry R., Rodel, Lilian, Anabel at 30 iba pa.
May pwesto pijo na pergalan (peryahan na pulos sugalan) sa Brgy. Darasa sina Onad, Rommel at Baby na dinadagsa ng mga drug pusher at adik ngunit nganga lang dito sina Tanauan City Police Chief Lt. Col. Virgilio Jopia at Mayor Sonny Collantes. Ang tatlo ay operator din ng mga kunwari’y peryahan pero sugalan at shabuhan sa barangay ni San Lucas Chairman Boyet sa siyudad din ng Lipa.
Inirereklamo din ang talamak na pabookies sa Lipa City Public Market at sa halos lahat na 72 barangay sa siyudad ang sindikatong “Big 4”. Sila ay sina Ana Tomboy, Ronald, Ycaro, Gary,Topher Taba, Kap Randy, alyas Kap Boyet at iba pa na pawang sangkot din sa kalakalan ng droga. May 15 saklang patay at puesto pijo saklaan din sa siyudad sina alyas Pat Lopez at Bornok, ngunit dedma lang ito kay Police Chief LtCol. Rix Villareal.
Ayon sa MKKB matagal nang “kukuya-kuyakoy sa kanyang opisina sina Villareal at Mayor Eric Africa na parang walang kamuwang-muwang sa nagaganap sa kanilang hurisdiksyon.
“Hitik’ din sa mga bawal na pasugalan sa mga bayan ng Lemery, Malvar, San Luis, Bauan, Calaca, Balayan, San Juan, Alitagtag, Cuenca, Sta Teresita, Lobo, Mabini, Calatagan, Tuy, Laurel at iba pang mga lugar na pawang bentahan ng droga ngunit walang hakbang laban sa mga ito si Col. Malinao Jr., ayon pa sa kalatas kay Sec. Abalos ng MKKB. Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144