Advertisers
Pangungunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pamamagitan ng Cooperative Development and Coordinating Division (CDCD), ang pagdiriwang ng taunang Cooperative Month nitong Oktubre na may iba’t-ibang aktibidad na nakahanay upang kilalanin ang mga kontribusyon ng mga kooperatiba sa paglago ng ekonomiya ng lungsod, tulungan sila sa mga kinakailangan para sa pagpaparehistro sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at pagbutihin pa ang kanilang mga kakayahan sa pamamahala at pananalapi.
Nagsimula ang mga aktibidad noong Martes, Oktubre 1 sa Motorcade, Salu-salo, at Coop Singing Content na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa mga rehistradong kooperatiba ng lungsod, habang ang Mandatory Trainings at ang Recognition of Top Performing Cooperatives susunod sa mga susunod na linggo.
Pinuri ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang lahat ng miyembro at opisyal ng mga lokal na kooperatiba na lumahok sa mga inisyal na aktibidad ng CDCD at idineklara na may iba pang programang ipatutupad upang matiyak na ang bawat kooperatiba ay magiging kapaki-pakinabang sa kani-kanilang miyembro at komunidad.
“Maraming-maraming salamat po sa CDCD at sa lahat ng bumubuo ng mga kooperatiba sa ating lungsod. Para sa inyo po ang mga programang nakalatag ngayong Coop Month at titiyakin natin na matutulungan kayo ng pamahalaang lungsod sa inyong mga pangangailangan,” wika ni Mayor Along.
“Batid ko po na mayroong mga maliliit at nagsisimula pa lamang na kooperatiba sa ating lungsod, kaya patuloy pa rin nating palalakasin ang ating mga programa upang matutukan natin ang paglago ng inyong mga samahan, at siyempre, kasama na rin dito ang pag- unlad ng inyong mga miyembro at mga komunidad na pinagsisilbihan,” dagdag ni Malapitan.
Hinikayat din ng local chief executive ang pangkalahatang publiko na suportahan ang mga lokal na kooperatiba sa kanilang mga pagsisikap.
“Sa mga Batang Kankaloo, sa pagtulong at pagsuporta ninyo sa mga produkto at mga serbisyong inihahandog ng ating mga kooperatiba, malaki rin ang inyong maitutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating lungsod,” pahayag ni Mayor Along.(BR)