Advertisers

Advertisers

6 kasunduan nilagdaan sa state visit ng SoKor leader

0 5

Advertisers

NASA anim na Memoranda of Understanding (MOUs) ang naisara matapos ang bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Republic of Korea President Yoon Suk Yeol sa Malacañang nitong Lunes, Oktubre 7.

Sa isang joint statement, isa-isang binanggit ni PBBM ang mga kasunduan, kabilang ang MOU sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Korean Coast Guard na naglalayong palakasin ang unawaan, mutual trust, at kumpiyansa ng dalawang bansa sa isa’t isa.

Nabatid na layunin din nitong itaguyod, panatilihin, at protektahan ang kapwa maritime interest at maritime safety ng magkabilang panig.



Naisara rin ang isang MOU na may kaugnayan sa Economic Innovation Partnership Program para sa framework of cooperation sa advancement ng national at urban development sa Pilipinas, gayundin ang agreement para sa Supply Chains o Strategic Cooperation on Critical Raw Material Supply Chain.

Maliban dito, napagkasunduan din ng Pilipinas at South Korea na ituloy ang feasibility study o pag-aaral sa rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) upang mapalakas ang energy security ng bansa at maging ang implementasyon ng Samar-Coastal Road 2 Project, Laguna Lakeshore Network Project, at Panay-Guimaras Bridges Project na sinasabing isasakatuparan sa pamamagitan ng loan agreements.

Samantala, pinirmahan din ang isa pang MOU para sa pagtataguyod ng bilateral cooperation sa usapin ng turismo mula 2024 hanggang 2029. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)