PARAÑAQUE FIRST LADY AILEEN CLAIRE OLIVAREZ, NAGHAIN NG KANDIDATURA BILANG MAYOR AT IBINUNYAG ANG PROBLEMA NG KORAPSYON SA LUNGSOD
Advertisers
WALANG takot na ibinunyag ni Parañaque First Lady Aileen Claire Olivarez (ACO) ang mga problemang matagal ng panahon ay problema pa rin sa kanilang lungsod dahil umano sa korapsyon na dulot ng kamag-anak Incorporated at ngayon na ang panahon upang ibahin ang nakasanayan sa Parañaque.
Ito ang matapang na pahayag ng maybahay ni incumbent Mayor Eric Olivarez na si ACO , na opisyal nang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Elections bilang alkalde ng lungsod.
Kasama ang ilang tagasuporta at staff isinumite ni ACO ang kanyang COC sa local Comelec office, Lunes, October 7 nang walang ano mang ‘gimik’ o programa.
Sa pulong balitaan sinabi ni ACO na matagal na siyang umiikot sa ibat- ibang komunidad na bahagi ng pagtupad ng kanyang tungkulin bilang City Nutrition Action Officer alinsabay ng pagiging hepe ng cleanliness, Beautification and sanitation Department ng lungsod.
Ayon sa kanya, personal niyang narinig at nasaksihan ang mga problemang kinakaharap ng mga Paranaqueño bunsod ng kakulangan ng serbisyo mula sa cityhall.
Dagdag pa ni ACO na ang sinasabing ‘Bagong Parañaque’ ay luma pa rin, puno pa rin ito ng mga problemang hindi naaaksiyunan, mula sa trapik,baha,kawalan ng maayos na serbisyong pangkalusugan, hanggang samga basurang hindi nakokolekta.
“ Alam ko po na ang mga ito’y sanhi ng isang pamahalaang salat sa malasakit at walang pakialam sa kapwa. Mga problemang matagal nang panahon ay problema pa rin sa ating lungsod dahil sa korapsyon” pahayag ng mayora.
Aniya, nararapat lamang na mabigyan ng mas maayos at makataong serbisyo ang kanyang mga kababayan, ito umano ang nagtulak sa kanya upang tumindig at harapin ang mga hamon na kinahaharap ng mga Paranaqueño.
Sinabi rin ni ACO sa mga mamamahayag na may mga nagbabanta na sa kanyang buhay subalit nanindigan ito na dapat ibigay ang the best services para sa lahat na magbibigay ng lideratong handa palaging makinig at agad umaksyon sa mga isyung idudulog, lideratong may puso at may personal na kaalaman sa mga pangangailangan ng bawat Paranaqueño. (JOJO SADIWA)