Advertisers
ARESTADO ang isang lalaki matapos umanong pagtripang pagsasaksakin ang isang lalaki na dumaan lamang sa kanyang harapan sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na isang 32-anyos na residente ng Brgy. Bagbaguin habang ang biktima, 40-anyos na residente naman ng Brgy. Canumay East.
Ayon sa imbestigasyon ni PSSg Larry Legazpi, papasok na sa kanyang trabaho ang biktima nang bigla na lamang umanong pagsasaksakin ng suspek sa iba’t ibang parte ng katawan sa Narciso St., East Service Road, Brgy., Canumay East.
Nakalayo pa ang biktima at nakahingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Sub-Station (SS1) na sina PSSg Rosario Cruz Jr at Pat Ericson Bulahao at isinugod ang biktima sa Valenzuela Medical Center na ginagamot habang naaresto naman ang suspek ng mga tauhan ng SS1 at narekober sa kanya ang patalim na ginamit niya sa pananaksak.
Ayon kay P/Capt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit, tinitignan pa nila ang anggulong “trip” lang ang ginawang pananaksak ng suspek sa biktima at ang posibleng sakit nito sa pag-iisip.
Nakapiit ang suspek sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police habang inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban kanya.(Beth Samson)