Advertisers
Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na tila nakaiiwas sa mga awtoridad ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa pamamagitan ng pagbuo ng mas maliit na grupo at pagtatayo ng mga residential areas sa gitna ng pagsalakay sa grupo ng mga umano’y scammers.
Ito ay matapos maaresto ang 17 dayuhan sa isang pagsalakay sa residential unit sa Makati City.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc, ini-engage nila sa pamamagitan ng social media ang mga target nilang biktimahin.
Aniya, kapag nakakuha ang mga ito ng impormasyon, magko-conduct sila ng background investigation kung sino ang kanilang target.
Sinabi ng NBI na sila ay mula sa malaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) companies.
Kasalukuyan nang sinusuri ng NBI ang mga computers para makuha ang detalye ng kanilang mga biktima, habang nagsagawa na ng inquest sa mga naaresto at nahaharap sila sa mga online fraud complaint at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
Nitong Martes, sinabi ni BI spokesperson Sana Sandoval na mahigit sa 12,000 foreign workers na tumigil sa POGO ang nag-apply na i-downgrade ang kanilang working visas.
Ang mga dayuhan na nagdowngrade ng kanilang working visas ay ibabalik sa temporary visitor status. (Jocelyn Domenden)