Advertisers
HANDA si Vice President Sara Duterte sa hamon sa kaniya ng mga kongresista na magpa-neuro-psychiatric test matapos nitong sabihin na huhukayin niya sa libingan ang ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itatapon ang bangkay nito sa West Philippine Sea kapag hindi siya tinigilan umano ng mga Marcos sa panggigipit at pamomolitika.
Sinabi ni VP Sara, bukod sa neuropsychiatric test, sasailalim din siya sa drug test pero dahil unstable rin sa paningin niya ang mga kongresista, hamon niya rin sa mga ito na sumailalim lahat sa drug test.
Nanawagan ang pangalawang pangulo sa Philippine Medical Association, Philippine Psychiatric Society, na mag-set ng guidelines para sa kanilang lahat sa lalong madaling panahon.
Hindi raw kase pwedeng gawin ang test pagkatapos pa ng tatlong buwan dahil makakalusot lang daw ang mga ito at maki-clear lang sa test kapag sadyang tumigil sa pagdo-droga sa loob ng 3 buwan.
Binigyang-diin din ng pangalawang pangulo na dapat televised ang test para hindi maareglo o hindi ito maitago sa publiko.
Ayon kay VP Sara, kinakailangan ng independent 3rd party hair follicle testing kaya nanawagan aniya siya sa PMA na maisakatuparan ang hinihiling niyang drug testing sa kanilang lahat.
Hinihimok din ni VP Duterte lahat ng botante na mag-demand na sumailalim sa drug test ang mga kakandidato sa eleksyon.
Binigyang diin ng bise presidente na wala siyang problema, pero tinutulak umano siya ng administrasyon na pumanig sa oposisyon.
Ang nakikita niya aniyang problema ng mga bumabatikos ngayon sa kaniya ay dahil hindi siya maareglo, at hindi siya mabayaran ng pera.