Advertisers
NABUKING kahapon sa pagdinig ng Senado na nasa 200 babae umano ang inabuso ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Sa kanyang pagharap sa huling pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros, ibinunyag ni Police Colonel Hansel Marantan na sa ngayon ay natukoy na ng PNP ang 68 indibidwal na may magkakaibang edad na umano’y biktima ng sexual exploitation ni Quiboloy.
Batay sa kanilang datos, inihayag ni Marantan na naniniwala ang PNP na nambiktima ng humigit-kumulang 200 kababaihan si Quiboloy.
Nabatid na ang grupo ni Marantan ang nag-iimbestiga kay Quiboloy at sa mga umano’y pang-aabuso ng kanyang grupo.
“His victimization continued repeatedly through the years and by generation,” wika ng Davao police chief.
“Through his preachings with the inner pastorals, per narrative of the former pastorals, Quiboloy aimed to acquire 1,000 women anchored on the biblical story of Solomon, King of Israel, who had 700 wives and 300 concubines,” sabi pa ni Marantan.
Ipinrisinta rin ang police official sa pagdinig ng Senado ang mga larawan ng kuwarto ni Quiboloy sa isang bible school kung saan madalas ginagawa ang sexual exploitation.
Itinanggi naman ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kanya.
“Wala pong katotohanan iyong kanilang mga sinabi. Maaari po sila mag-file ng kaso. Haharapin ko po sa tamang forum, sa korte,” diin ni Quiboloy.
“Itinatanggi ko po [ang mga akusasyon]. Wala pong katotohanan. Wala pong katotohanan. Hinahamon ko po sila na mag-file ng kaso laban sa akin o kanino man na KOJC leader or member,” dagdag pa niya.
Nirerespeto naman ni Senador Risa Hontiveros ang pagtanggi ni Quiboloy na sagutin ang mga alegasyon dahil sa constitutional right ng religious leader.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong qualified human trafficking, na hindi maaaring makapagpiyansa, sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan, sa korte sa Pasig.
Nahaharap din siya sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. (Mylene Alfonso)