Advertisers

Advertisers

Ama, nalunod nang iligtas ang ’10 buhay’ sa baha

0 57

Advertisers

Bayani kung itinuturing ngayon ng pamilyang naulila ng 75-anyos na lalaki nang malunod sa kasagsagan ng baha noong Oktubre 22, 2024 sa Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang nasawi na si Roperto Esplago.

Naunang ibahagi ng anak ng biktima na si Kristine Esplago, ang kanilang pagdadalamhati sa pamamagitan ng Facebook post nitong Oktubre 24, 2024 kung saan inilahad niya ang sinapit ng kanilang ama.



“Tay, salamat sa pagiging hero namin. Hanggang sa huli mong hinga kami pa din ang iniisip mo,” saad ni Kristine.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Kristine na pinulikat at nalunod ang kaniyang ama nang ipagawa sila nito ng papag upang makaligtas sa baha.

“Iginawa mo Muna kami ng upuang papag sa bubong para maka-survive tayong lahat kaya lang sa paggawa ng balsa nilamig ka na at pinulikat, ‘di ka na nakalangoy,” ani Kristine.

Ayon kay Kristine nitong Biyernes, Oktubre 25, na nalunod ang kaniyang ama, upang mailigtas ang kanilang pamilya mula sa tumataas na tubig baha kamakailan.

“Nalunod ang tatay ko po para mailigtas ang sampung buhay na na-trap sa bahay na nalubog po sa baha,” ani Kristine.



Ayon pa kay Kristine, nadugtungan daw aniya ng kaniyang ama ang buhay ng dalawa niyang anak, dalawang pamangkin, ang kuya at hipag niya, ang kaniyang ina at pinsan nito.

Matapos umabot ng lagpas tao ang baha sa kanilang tahanan, ang tanging naging tuntungan lamang daw nila ang papag na ginawa ng kaniyang ama, bago sila tuluyang mailikas sa evacuation center.

Nabanggit din ni Kristine, na hindi pa rin daw naililibing ang labi ng kaniyang ama na hanggang ngayon nasa punenarya.

“Nasa punenarya na po siya. Naembalsamo na rin. Hinihintay na lang po talaga ‘yung kabaong kasi wala pong nagkasya sa kaniya doon,” saad ni Kristine.