Advertisers

Advertisers

Mayor sa Quezon inginuso sa nangyayaring pagbaha

0 329

Advertisers

INILABAS ng mga residente ng Barangay Piris at Barangay Mabutag sa Buenavista, Quezon ang matinding hinanakit sa kanilang alkalde, Reynaldo Rosilla, Jr., dahil sa lubhang kritikal ang kanilang sitwasyon at buhay lalo na ng mga batang paslit sa sunud-sunod na mga bagyo partikular ang ‘Kristine’ na sumalanta sa kanilang lugar, kungsaan muntik nang lamunin ng tubig ang kanilang kabahayan dahil ang mga ito ay napapaligiran ng karagatan, at ang isa pang nagdulot ng panganib sa kanilang buhay ay nang pinaback-hoe ang gitnang bahagi ng kanilang lupa at pinaputol ang mga bakawan ng kanilang punong bayan upang diumano ay makadiretso ang speed boat sa private resort nito.

Nang makapanayam ng Police Files TONITE noong Oct. 22, 2024 sina Barangay Chairman Fernando Dimayuga ng Mabutag, Konsehala Maricar Fernando ng Brgy. Sabang Piris at kanilang mga residente na naapektuhan ng mga ginawa ni Mayor Rosilla, sinabi nilang dati ay hindi tumataas o pumapasok ang tubig sa kanilang kabahayan. Nag-umpisa lang daw ito nang pinaback-hoe ng mayor ang lupa at pinaputol ang mga bakawan, na nagsisilbing proteksyon laban sa alon at bagyo. Kahit walang bagyo at kahit high-tide lamang ay pinapasok na ng tubig ang kanilang bahay.

Naging madamdamin at napaiyak pa si Konsehal Maricar sa panayam ng Police Files TONITE habang dinidetalye ang kanilang kasalukuyang sitwasyon. Siya ay nanawagan sa kanilang gobernadora, Helen Tan, upang sila ay tulungan. Hinimok din nila ang mga tiga-media na sila ay samahan kay Gobernadora upang sila ay pakingan at mawala ang kanilang pag-aagam-agam na hindi sila pansinin nito dahil si Mayor Rosilla ay kaalyado at kapartido ng ina ng lalawigan.



Noong October 24, 2024 habang kasagsagan ng bagyong Kristine, ayon kay Konsehala Maricar, sila ay pinadalhan pa ng subpoena ng kanilang barangay kapitan na si Alejandro M. Frias, Jr. dahil diumano sa reklamo ng nabangit na Mayor na kung bakit ang mga ito ay humingi ng tulong sa media.

Ayon parin sa naturang konsehala ang labis nilang ikinalulungkot ay ang dahilan na ang kanilang kapitan ay hindi man lamang sila naprotektahan sa mga ginawa ng mayor sa kanilang lugar lalo na sa panganib na dulot nito sa kanilang buhay, at ngayon nga ay katulong pa ng mayor ang kanilang kapitan sa pangha-harass at pangigipit sa kanila kahit na sa kalagitnaan ng kalamidad.

Nananawagan din ang konsehala sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tingnan kung may mga nilabag na batas si Mayor Rosilla sa pag-backhoe at pagputol sa mga bakawan sa naturang lugar.

Sinikap ng Police Files TONITE na kuhanin ang paliwanag ni Mayor Rosilla sa reklamong ito ng baturang barangay officials pero hindi siya makontak. Bukas ang pahayagang ito para sa kanyang mga sagot at paliwanag. (GINA MAPE)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">