Advertisers
NAGPAPAKITA na ng pagkataranta at mga desisyong patunay na desperado na si Mayora Honey Lacuna sa maraming dirty tricks na ginagawa ng kampo nito upang wasakin at sirain ang kredibilidad ni Yorme Isko Moreno Domagoso na panigurado na ang pagwawagi bilang alkalde muli ng Maynila.
Nabatid na sa tuwing maririnig ni Lacuna ang mga panawagan at sigaw na: Bumalik ka na Yorme Isko, at ibalik mo ang ganda at sigla ng siyudad, napapansing madalas na magpanting ang tainga nito at umano minsa’y nakapagmumura.
Ang ganitong ugali ay hindi nakatutulong kay Honey at nagtataboy sa mga taga-suporta na lumipat at kumampi sa napakalakas na krusada ng pagbabago sa kampo ni Yorme Kois.
Sa mga caucus at townhall meeting ni Isko at katiket na si Chi Atienza, kusang bumubuhos ang mga tao upang pakinggan ang mga konkretong programa at proyektong nakatakda nang ipatupad sa bagong gobyerno ni Yorme Isko.
Ayon kay Yorme Isko, hindi na niya aaksayahin ang oras niya na sagutin ang mga paninira sa kanya upang mailarawan na siya ay masamang tao at “hindi ang aking magagaling na katunggali.”
“Sawang-sawa na po ang mga Manilenyo sa naririnig nilang paninira at wala namang naniniwala sa kanila,” aniya.
Mahalaga, sabi ni Yorme, ay maibalik ang agad ang dating ganda at ningning ng Maynila sa sandaling makaupo uli siya sa cityhall.
Nangako siya na maibabangon niya uli ang Maynila mula sa “kahiya-hiyang kalagayan nito” at maibabalik ang dating ningning at sigla ng mga negosyo, turismo, peace and order at pagtitiwala ng mga investors at ng buong mamamayan ng Maynila.
Aniya pa, walang sektor na “maiiwan” sa nalalapit na progreso ng Maynila; ibabalik niya, sabi ni Isko ang gobyernong malapit sa tao, at ang pamahalaang bukas at lantad sa bayan.
Ipinangako ni Yorme Isko na sa kanyang pagbabalik, hindi na “mapag-iiwanan” ang Maynila kungdi ito ay makasusunod at makasasabay na sa paglago ng kabuhayan sa buong Metro Manila, at “sa tulong ninyong lahat, sa inyong pagtitiwala at sa inyong pakikiisa, walang magiging hadlang upang ang Maynila ay maibalik sa dating marangal na katayuan nito bilang pangunahing lungsod ng Pilipinas. (BP)