Advertisers
HINDI katanggap-tanggap ang alibi ng ilang mga miyembro ng law enforcing team na hindi nila magambala ang maraming mga gambling at drug den sa ibat ibang mga lugar sa Batangas at Cavite dahil sa ang mga operator/kapitalista ng mga ito ay “pasok” sa tanggapan ng kauupong Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla.
Ang ganitong uri ng “palusot” ng kapulisan at iba pang awtoridad ayon sa mga nakatutok nating mga KASIKRETA ay simpleng pamamaraan lamang upang magkaroon ang ilang mga tamad, kunsintidor at “patong” na mga alagad ng batas upang hindi nila maaksyunan ang talamak at hayag na pasugalang kung tawagin sa larangan ng underworld ay “puesto pijo.”
Gayunman ang puesto pijo ni alyas Ka Mundo sa kahabaan ng highway ng Brgy. San Antonio sa bayan ng San Pascual ay sinanggahan lamang ng yero at trapal upang hindi naman maging sentro ng atensyon ng mga commuter, mga mamimili sa katapat na Waltermart at kalapit na San Pascual Public Market.
Bukod sa mga pasugalan ay tambayan din ng mga prostitute na nag-aabang ng mga nanalong sugarol at hang-out din ng mga drug pusher na nag aantay ng buyer ng shabu na mga estudyante at iba pang lulong sa droga. Ngunit nakakadismaya namang hindi binubulabog ang mga kailegalang ito nina San Pascual Police Chief Major Ricky M. Fornolles.
Katwiran ng ilang operatiba ay ilang ulit nilang tinangkang bulabugin ang pasugalan, putahan at drug den na ito ni Ka Mundo ngunit pinagbawalan sila ng isang police official sa dahilang konektado kuno sa kuupong DILG Secretary Remulla ang naturang gambling/drug operator.
Hindi dapat na magpatumpik-tumpik ang kauupo pa lamang na kalihim, kailangang paimbestigahan nito si Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto Malinao Jr. at Major Fornolles upang hindi mabahiran ng pagdududa ang kanyang integridad dahil lamang sa mga ganitong uri ng “alibi o palusot”?
Ipinagbabanduhan pa diumano ni Ka Mundo na bagyo ang impluwensya nito sa ilang lokal na opisyales at kumpare nito ang isa sa kanila na maugong na sinusuportahan nito ng campaign fund para sa re-election bid nito sa paparating na May 2025 na halalan.
Hindi nakapagtatakang may kapasidad si Ka Mundo na magkaloob ng pondo sa kampanya ng kanyang sinusuportahang local official ng San Pascual kung ikukunsidera ang milyon-milyong kinikita nito sa pasugalan at pagbebenta ng shabu sa kanyang puesto pijo con drug. Bakit kaya tahimik tungkol sa isyu ng sugalan at drogahan ni Ka Mundo si San Pascual Mayor Antonio Dimayuga?
Samantala, napakatagal nang nag-ooperate ang bilyarang may pasakla, color games, mahjong at iba pang uri ng sugal sa tabi lamang ng Lian Public Market kung saan ay may bentahan din ng droga, ngunit dedma lang ang labag sa batas na operasyon nito sina Lian Municipal Mayor Joseph Piji at Police Chief Maj. Ferdinand B. Vergara? May tongpats kaya sa kanilang dalawa at kay Col. Malinao Jr. ang mga vice den na ito?
Umaabot din sa milyones ang pustahan sa mahjong at libu-libo naman ang tayaan sa sakla at color game doon. Protekado laban sa police raid ang naturang pasugalan pagkat may bantay na mga unipormadong pulis ang naturang pasugalan sa oras na malakasan na ang “konsyerto.”
Sa bayan naman ni Nasugbu Mayor Jose Antonio Barcelon ay “nagsulputang kabute” ang operasyon ng sakla ni alyas Willy Bokbok na operator din ng Small Town Lottery (STL) bookies o jueteng sa may 42 barangay ng naturang munisipalidad
Liban kay 1st District Representative Eric Joseph Buhain ay ginagasgas din ni Bokbok ang pangalan ng kababayan ng Kongresistang si Sec. Remulla pagkat ipinamamalita nitong kasosyo at financier niya ang naturang Kongresista na malapit naman sa kalihim?
Ang mga sakla den ni Bokbok ay nasa mga barangay ng Wawa na pinopostehan ni Reden; Cogonan -Poste ay si Dayo; Tumalim ni Marites; Bucana nina Kon. Lucky, Eboy, Atan, Gary at Marcelo at Bilaran na personal na pinamamahalaan ni Bokbok. Ngunit bakit nga walang aksyon laban kay Bokbok si Nasugbu Police Chief LtCol. Ruel Lito T. Fronda?
Hindi nakapagtatakang bukambibig ng mga ilegalista ang pangalan ni Sec. Remulla upang andapin ang mga lokal at maging kapulisan ng bagong Cavite OIC PNP Provincial Director Col. Dwight Alegre lalo ng grupo ng mag-among alyas Ka Minong aka ”Nardong Putik” at gambling drug pusher na si alyas Jun Toto.
Sina Ka Minong at Hero ang nagpapatakbo ng mga sakla joint na front ng salyahan ng shabu sa Cavite City, Maragondon, Noveleta, Ternate, Magallanes, Bailen, Bacoor, kasosyo sina alias Elwyn na fake NBI agent at Eric Turok, Dasmariñas kasosyo ang isang Ewang, Naic kasosyo ang isang Maricon at Amadeo kasosyo ang isang Joji.
Kahit may warrant of arrest sa kasong Murder ay malayang nakaka-orbit si Ka Minong kasama si Hero gamit na “panangga” ang pangalan ng amo kuno niya na si Sec. Remulla.
Si alyas Jun Toto ay responsable naman sa operasyon ng bookies ng EZ2, Perya ng Bayan (PnB) bookies at online gambling at may malakas na bentahan ng shabu sa Brgy. San Luis, gamit ang mga kubrador at kabo nito na sina alyas Kap Abner, Nilo at Magno at nagkukuta sa Area G, Bautista, Sta. Maria at dalawang barangay ng San Luis pawang sa Dasmariñas City.
May mga peryahan na pulos sugalan (pergalan) sina Lodie sa Brgy. Naic, Tetet sa Salawag at Jessica sa ibat ibang lugar sa Cavite liban pa sa paihian ni alyas Amang at Violago Group sa Brgy. Bancal, Carmona City. Gamitin ding kayang alibi o “palusot” ni PD Col. Alegre ang pangalan ng butihing Secretary Remulla upang hindi maaksyunan ang talamak na vice operation sa Cavite?
***
Para sa komento: Cp. No. 0966406614