Advertisers
IBINUNYAG ni Senate Raffy Tulfo na peke ang ginamit na plaka ng kontrobersyal na SUV na may plakang no. 7 na ilegal na dumaan sa EDSA busway noong Linggo ng gabi.
Ayon kay Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, agad niyang tinawagan si LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr. upang humingi ng update hinggil sa naturang isyu.
Batay sa kanilang pagsusuri, napag-alaman nila na peke ang ginamit na plaka ng SUV dahil wala umano itong mga security feature na mayroon sa mga lehitimong plakang 7.
Nag-viral sa social media ang video ng nasabing SUV gamit ang plakang ina-assign lamang sa isang senador dahil tumakas ito matapos sitahin ng Department of Transportation (DOTr) – Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) lady enforcer sa pagdaan sa EDSA Busway.
Ginamit din aniya ang plakang 7 sa harap at sa likod ng naturang SUV sa halip na sa harapan lamang, bukod pa sa wala itong conduction sticker. Kaya sa ngayon ay blangko pa aniya muna sila kung sino talaga ang may-ari ng SUV.
Kinumpirma rin niya na 24 lamang sa buong Pilipinas ang nagmamayari ng puting Cadillac Escalade kaya posibleng matutukoy pa rin ang may-ari nito. Ang nasabing Escalade ay tumatahak sa Southbound patungong Ayala.
Agad din tinawagan ni Tulfo si SAICT Vice Chairman Assistant Secretary Jose “Tracker” Lim IV. Sinabi ni Lim na bagama’t hindi pumara at nakatakas ang SUV, nagbukas naman ng bintana ang lalaking nakasakay sa front seat nito na pinaghihinalaang security aid ng pasahero sa likod na VIP umano.
Gayunpaman, nagpadala si Lim ng screenshot ng dalawang pasahero mula sa video na nakuhanan nila kaya nanawagan din si Tulfo sa publiko na makipag-ugnayan lamang sa LTO at SAICT o kaya sa Senate Office ni Tulfo kung kilala nila ang nasa video.
Wala aniyang sasantuhin si Tulfo at nangakong magiging patas. (Mylene Alfonso)