Advertisers
HINDI mag-aalinlangan ang Senado na magsumite ng official transcript sa naging pagdinig ng isinagawang Blue Ribbon subcommittee investigation kaugnay sa war on drugs basta’t may “valid reason” sa paghiling nito.
Ginawa ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang reaksyon nang tanungin kung sesertipikahan ng Senado ang official transcript ng pagdinig para sa paggamit nito sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
“Kung may mag-request na valid ang rason para i-request, hindi mag-aatubili ang Senado na mag-certify ng kopya ng transcript ng hearing na isinagawa kaugnay sa EJKs (extrajudicial killings). Pero siyempre, hindi naman puwede kung sino-sino lang, basta-basta nang walang dahilan at rason,” paliwanag ni Escudero sa ambush interview.
Matatandaang noong nakaraang linggo, inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na naipadala na sa ICC ang mga transcript ng Senate probe sa drug war ni Duterte. (Mylene Alfonso)