Advertisers
NASAWI ang tatlong batang mag-aaral nang malunod sa paliligo sa ilog sa pagitan ng Barangay J. Abad Santos at Barangay San Juan Bag-o, Bulan, Sorsogon.
Umabot ng ilang oras bago nahanap at naihaon ng responders ang mga biktima na sina alyas “Alma” at “Nilda”, kapwa 8 anyos at Grade 3 pupils; at “Maricris”, 9, Grade 4; pawang residente ng naturang lugar.
Sa ulat, 10:00 ng umaga kasama ang ilan pang kalaro magkakasamang nagtungo ang mga bata sa ilog upang maligo. Napunta ang tatlo sa malalim na bahagi ng ilog, at nakita nalang ng mga kasama na nalulunod kaya mabilis silang kumuha ng kahoy na makakapitan sana ng mga biktima.
Sa lakas ng agos ng tubig, hindi na kinaya ng mga biktima, tuluyan silang hinila pailalim ng tubig.
Mabilis na humingi ng tulong sa mga residente at opisyal ng barangay ang mga kasama at nagtulung-tulong sa paghanap kina Alma, Nilda at Maricris.
Hapon na nang matagpuan ang mga katawan ng mga biktima na wala nang buhay.