Advertisers
SINALAKAY ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang factory ng pagawaan ng pekeng vitamins pambata, na hinahalo gamit ang washing machine sa Arayat, Pampanga.
Bukod sa washing machine na ginagamit ng factory sa paggawa ng pekeng bitamina, nabuking din ng NBI na ang mga raw material sa paggawa nito ay asukal, food coloring at food flavoring lamang.
Nag-ugat ang pagsakalay nang ireklamo ito ng isa sa dating empleyado ng factory.
Ayon sa NBI, sinu-supply sa Central Luzon at maging sa Visayas at Mindanao ang nasabing pekeng vitamins.
Ayon pa sa report, halos 20 taon nang ginagawa ito ng manufacturer.
Nakuha ng mga operatiba ang P400,000 halaga ng pekeng vitamin syrup.
Noong una, kinokopya umano ng manufacturer ang original na vitamin C pero nang tumagal nagpalit ito ng brand.
Inaresto ng mga awtoridad ang may-ari ng factory na hindi muna pinangalanan, na nahaharap sa paglabag sa RA 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.(Jocelyn Domenden)