Advertisers
NAGPAABOT na ng mainit na pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inaasahang tagumpay ni Donald Trump bilang bagong Pangulo ng Estados Unidos.
Ito’y bunsod ng pangunguna ni Trump sa US elections laban kay Kamala Harris.
Sa kanyang pahayag, ipinahayag ni PBBM ang kanyang pag-asa sa mas malalim na pakikipagtulungan kay Trump sa mga mahahalagang isyu na makakatulong sa pag-unlad ng parehong bansa.
Binanggit niya ang kahalagahan ng matibay na ugnayan, nagkakaisang mga adhikain, at ang mahabang kasaysayan ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Amerika.
Naniniwala ang Pangulo na ang hindi matitinag na alyansa sa pagitan ng dalawang bansa—na napatunayan sa panahon ng digmaan at kapayapaan—ay magiging puwersa ng mabuting pagbabago para sa kaunlaran at pagkakaisa sa rehiyon ng Pacific.
Tiniyak din ng Punong Ehekutibo ang patuloy na dedikasyon ng Pilipinas sa matibay na samahang binuo sa mga prinsipyo ng kalayaan at demokrasya.
Bukod dito, inalala rin ni Pangulong Marcos ang kanyang pagkakilala kay Trump noong kanyang kabataan, dahilan upang maging kumpiyansa siya na ang pamumuno ni Trump ay magdudulot ng mas magandang kinabukasan para sa lahat. (Gilbert Perdez)