Advertisers
MAY naging pakinabang ba ang mamamayang Pinoy, partikular ang mga beloved constituents ni Sen. Cynthia Ampaya Aguilar-Villar sa Las Piñas simula noong siya ay maging kongresista nito noong 2001?
Tuloy-tuloy nakatapos ng tatlong terminong kinatawan daw (?) ng Las Piñas si Madam Cynthia, hanggang maging senador noong 2013, at na-reelect noong 2019, at sa 2025, matapos ang 12 taon sa Senado, babalik para maging kongresista uli ng Las Piñas na “minana” niya sa kanyang mister, dating Speaker at Senate President Manny Villar.
After 24 years as rep and senator, ano ba ang naiambag ni Aling Cynthia sa ekonomya ng Pilipinas?
Nakatulong ba sa bansa, at sa Las Piñeros, ang pagiging kongresista ni Lady Cynthia, at pagiging senador niya?
Nakabangon pa sa kahirapan ng bansa ang pagiging kongresista ng dalawang anak niya — si Mark na senador ngayon, at si Camille na kongresista ngayon at nais maging senador, sa mamamayang Pilipino, lalo na sa mga taga-Las Pinas?
Nag-research ako nang konti kung may makikitang ambag ni Madam Senator, pero ang nakita ko, ang pamilya Villar lamang ang umasenso, at isa sa pinamayamang angkan sa Pilipinas at sa buong mundo.
Ayon sa 2019 Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) siya ang numero unong pinakamayamang senator na may networth na P3,814,091,438 billion, at walang liabilities o utang ang senadora.
Pero ayon sa Las Piñas City government, may di-binabayarang buwis sa amilyar (real property tax, RPT) na mahigit na P200-milyon ang 5 Villar companies, at sabi ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), humingi ng P71.6 milyong tax amnesty ang pamilya ni Madam Cynthia sa Las Piñas City government na ngayong 2025, nais niya na siya ang maging representative (uli) ng siyudad.
Gusto ng senadora na maging kinatawan ng Las Piñas pero nagmamatigas na magbayad ng utang na amilyar — na kung babayaran, kakapiranggot sa sandamukal na kayamanan ng kanilang angkan.
E, ang mister nga niya, si Billionaire Sir Manny, ayon sa World’s Billionaires List ay may net worth na US$8.6-B noong 2022, at umabot na sa mahigit na US$10-B ngayong 2024.
Magkano kaya itong $10-B kung iko-convert ito sa P50 na lamang sa isang US dollar?
Tapos deliquent taxpayer pa ang angkang ito sa Las Piñas LGU na gusto ni Madam Cynthia siya ay maging kongresista uli.
E, nang ibulgar ito ni Las Piñas City Councilor Mark Anthony Santos, sinabi ng kampo ng senadora, naninira lamang itong si Santos kasi dehado raw sa kanilang labanan sa pagka-kongresista sa 2025 midterm elections.
Naninira raw lamang daw si Santos, lalo na nang nitong nakaraang buwan, ibinulgar din ng konsehal na kaya pala kontra sa Manila Bay Reclamation ang senadora, kasi pag natuloy ito, may makakalaban sa negosyo nilang real estate.
Aba, maliwanag na may conflict of interest ito, na ayon sa batas, posibleng kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
At bakit sa laging ang commitee chair na hawak ng senadora ay patungkol sa lupa, agrarian reform at bakit ang National Land Use Act (NLUA) na matagal nang gustong maisabatas sa panahon ni PNOY, ni Rodrrigo Duterte at ngayon na inendorso na ni Presidente Ferdinand
“Bongbong” Marcos Jr. ay hindi pa inaaksiyonan ng senadora.
Kasi po, ayon kay Konsehal Santos, kakontra ito ng negosyo, ng private interest ng pamilya Villar.
Ayon sa konsehal at sa mga kapwa negosyante, sa real estate, pagtatayo ng condo unit, subdivision at iba pang infra na nakabatay sa land conversion ang “raket” ng pamilya Villar.
Kapag kasi naging batas ang National Land Use Act o NLUA, hindi na magagawa ng mga local government units na sa pamamagitan lamang ng ordinansa o resolution ang isang lupang sakahan ay magagawa na mabago ang land use o gamit sa lupa.
Pwede nang gawing subdivision, o condo unit o commercial lots ang lupang mayaman at taniman ng palay, gulay, mga fruit trees kasi sa ordinansa, basta okeyan lamang ng Sanggunian at payagan ng Provincial Sanggunian, ayos na.
Pero kung may NLUA, hindi na basta magagawa ito ng mga real estate developer tulad ng negosyo ni Madam Cynthia.
Dahil inuupuan ng senadora ang pag-apruba ng NLUA na komite niya ang mayhawak, nagpapatuloy ang pagko-convert ng agri lands at mga lupang agraryo na ipamimigay sa mga farmers at ano ang resulta, pwedeng magtayo ng condo, subdivision, atbpa.
Dahil libo-libong ektaryang sakahan na ginagawang subdivision, condo at napapalitan ang land use, ano ang resulta, ang plano ng gobyerno na palakasin ang agriculture industry ay humina at ngayon ay naghihingalo na at ang food security natin ay iniaasa na lamang sa importation.
Wow, alam nyo ba, sa buong mundo at sa Southeast Asia, ang Pilipinas ay top rice importer na kung tutuusin, kaya nating iprodyus ng pagkain natin kasi, super rich ng ating lupa.
Aba, sa loob ng 24 na taon at ngayong kulang sa walong buwan na lamang at matatapos na ang termino ni Aling Cynthia sa Senado, inaalikabok sa komite nito ang pag-apruba ng National Land Use Act.
Kasi kontra ito sa private interest o sa negosyo ng pamilya Villar, tapos ngayon na matatapos na ang 12 years ni Madam Cynthia, kahit ang kapirasong interes na maprotektahan ang yaman sa lupa ng bansa, ayaw aksiyonan.
At kung totoo na love niya ang Las Piñas, hindi niya kokontrahin ang reclamation project na sabi ng Supreme Court ay nasa ayos at wala nang legal na balakid para ituloy ito.
Tama ang sabi ni Konsehal Mark Anthony Santos, pampersonal interest lagi ang nasa isip ng senadora at hindi ang public interest.
Proteksiyon sa negosyo, hindi proteksiyon at pabor sa bansa at mamamayan ang dahilan kaya sa loob ng 24 na taon na pagiging congresswoman at senador, walang maipagmamalaking ambag ito sa ikagiginhawa ng karaniwang pamilyang Pinoy.
Walang pakialam ang senadora, sabi nga ni Konsehal Santos na sumunod sa batas, opo, kasi sabi ng RA 6713 o ang Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees of the Philippines, bawal ang conflict of interest sa isang public official.
Aba, kung mamalasin uli ang taga-Las Piñas at maging kongresista si Sen. Cynthia at maging senadora ang anak nitong si Camille at nasa Senado pa ang anak nitong si Mark, ano ang mapapala ng bayan at ng mga taga-Las Piñas, ay wala po.
Mas una sa pamilya Villar ang personal ar private interest nila kaysa sa public interest at ito ang ikinatatakot ni Konsehal Santos.
Kaya pala ang sabi ni Konsehal Mark Anthony, kailangan na, ngayon na ang panahon na magkaroon ng pagbabago sa kakatawan sa siyudad.
Inihahain niya ang sarili niya kontra sa senadora.
Panahon na nga siguro na matapos na ang “kamalasan” ng mamamayan ng Las Pinas City.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.