Advertisers

Advertisers

GULPI-SARADO SI GONGDI

0 82

Advertisers

DUMALO sa wakas si Gongdi sa pagdinig ng QuadComm. Urong sulong sa umpisa ngunit natuloy sa wakas ang pagharap niya sa super committee na binuo ng liderato ng Camara de Representante upang siyasatin ang mga isyung tulad ng kanyang madugo pero palpak na giyera kontra droga. Natural na bastos at walang modo si Gongdi.

Narendahan mabuti ni Surigao del Norte Kin. Robert Ace Barbers ang pagdinig. Sa umpisa pa lang, inilatag nina Barbers at mga kasama ang ground rules at tapatan nilang ipinatupad ang pahayag. Hinayaan nila ang kayabangan ni Gongdi pero sa huli, isa lang ang kabuuan, o suma tutal ng lahat: Gulpi-sarado si Gongdi.

Pinaglaruan ng mga kasaping mambabatas si Gongdi sa komite na hindi niya kontrolado hindi tulad ng subcommitte ni Koko Pimentel na pinamahayan ng mga asong senador na kakampi ni Gongdi tulad ni Bato dela Rosa, Bong Go, Francis Tolentino, at Robin Padilla.



Pinadama si Gongdi. Nagmagaling ng todo na ang buong akala niya ay siya ang pinakamagaling sa buong mundo. Naglatag ng mga bitag ang mga resource person at kinagat ni Gongdi ang pain. Huli na ng mapansin ni Gongdi ang lahat at hindi niya napigil ang galit.

Pinag-initan ni Gongdi si Kin. Raoul Manuel ng Kabataan Party List. Napansin ni Barbers at iba pang kasama sa supercommittee na iba na ang timpla ni Gondi – wala sa kondisyon at katinuan ng pag-iisip – dahil nagmumura na. Mabilis nila itinigil ang pagdinig na umabot ng halos 12 oras. Itinigil ito kinse minutos bago ang hatinggabi ng ika-14 ng Nobyembre.
***
MARAMING nangyari sa public hearing ng QuadComm. Una, nagkasundo ang mga lider ng supercommittee na hindi sila mangingiming sansalain si Gongdi sa sandaling magmura at mawala siya sa tamang asal sa pagdinig. Maraming pagkakataon na pinagsabihan si Gongdi na umayon sa napagkansunduang ground rules. Wala siyang nagawa kundi magbunganga.

Sa mahusay na pagtatanong ni Kin. Jinky Luistro ng ikalawang distrito ng Batangas, napalabas niya si Gongdi upang kumpirmahin na “state sponsored” ang war on drugs niya. Importante ito dahil ito ang batayan upang idiin si Gongdi sa sakdal na crimes against humanity na isinampa laban sa kaniya sa ICC. Wala siyang kawala.

Sa umpisa pa lang ng pagtatanong ni Luistro, pinaamin niya na pinanagutan ni Gongdi ang war on drugs na kumitil ng humigit kumulang na 30,000 katao. “I assume full responsibility,” ito ang ibinigkas ni Gongdi nang latagan siya ni Luistro ng mga tanong. Hindi batid ni Gongdi na hinukay niya ang sariling libingan.

Napakagatan ni Sonny Trillanes si Gongdi.Inilatag niya lahat ang mga bank records, deposit slips, at iba pang ebidensya. Inamin niya na may bank account siya kahit may kasamang banta na sasampalin si Trillanes na hindi natakot na isiwalat ang lahat sa publiko. Nang hamunin na pumirma ng bank waiver, tumanggi si Gongdi.



Gigil na gigil si Gongdi kay Trillanes, ngunit wala siyang magawa dahil may sariling security si Trillanes. Sa huli, nagbanta siya na babatuhin ng mikropono ang dating senador. Inalis rin sa record ang salitang “sasampalin” si Trillanes dahil hanggang banta lang siya.
***
MAY pagkakataon na inambahan ni Gongdi si Leila de Lima na inatasan ng supercommittee na umupo sa kanyang tabi. Sa totoo, hanggang amba lang si Gongdi at hindi siya sineseryoso dahil mahilig lang siyang manuwag. Tinawanan lang siya ni de Lima.

Habang dinidinig ng QuadComm ang isyu, dumalo si Sara Duterte sa Senado upang saksihan ang pag-apruba sa panukalang budget na P733-M ng OVP. Inabot lang ng sampung minuto ang seremonya dahil hindi tumanggi si Sara sa mababang budget na halos kapareho ng budget ni Leni Robredo sa huling taon niya bilang bise presidente noong 2022.

Naunang isinumite ni Sara ang panukalang budget na P2.33-B. Dahil sa magaspang na asal at kawalan ng modo upang ipaliwanag ang mga naunang gastos kaugnay sa kanyang confidential fund, nilaslas ng Camara ang budget sa P733-M. Plano ang mga kaalyadong senador na itaas ang nalaslas na budget, ngunit wala silang nagawa dahil ayaw ni Sara na humarap sa Camara.

Inireklamo ni Sara na masasara ang samuang satellite at extension office ng OVP sa buong bansa dahil sa mababang budget. Inireklamo niya na may 200 katao ang mawawalan ng trabaho. Hindi ito binili sapagkat tinanong si Sara: Alam mo na maraming mawawalan ng trabaho at isasara ang mga satellite office mo, bakit hindi ipinaliwanag at ipinaglaban?
***
BATAY sa pagsisiyasat ng House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Rep. Joel Chua, kinumpirma ng mga dumalong career official ng OVP na sila ang mga alipin sa paggawa ng mga paperwork ng confidential fund. Ngunit binigyan diin nila na hindi nila alam kung paano ginamit pagkatapos matanggap ng OVP ang pondo.

Apat na career official ang dumalo sa pagdinig ng komite ni Chua at walang kahit isa sa kanila ang nakakaalam sa anuman na nangyari sa pondo. Tanging si Gina Acosta, chief disbursing officer, at Zuleika Lopez, chief of staff, ang may alam kung saan napupunta ang confidential fund. Mga political appointee sila na nanggaling sa Davao City. Nagtrabaho sila noong alkalde noon si Sara Duterte.
***
MGA PILING SALITA: “I am unfazed by Duterte’s violent gesture against me. After all, he dug his own grave today with his personal invitation to the ICC. I welcome the pronouncement of Malacañang that the Philippine Government, at long last, will cooperate with the ICC and Interpol, should they serve arrest warrants against Duterte and his cohorts. I hope they come soon, so justice and healing may finally start for the families of all the victims of Duterte’s crimes.” – Leila de Lima, dating senador

***

Email:bootsfra@gmail.com