Advertisers
Arestado ang isang lalaki na wanted sa multiple counts ng child abuse nang bumiyahe mula probinsiya at lumuwas pa-Maynila para makipag-meet-up sa ka-LDR (long distance relationship) na isang undercover police woman.
Sa ulat, ipinakita ang video footage nang magkita sa Ninoy Aquino International Airport ang suspek at pulis na nagpanggap na girlfriend nito sa online.
May kasama pang kasabwat ang pulis na isa rin babaeng pulis na nagbi-video at kunwaring nag-chi-cheer sa pagkikita ng dalawa sa wakas.
Ayan, magkasama na sila. Finally, long distance no more,” madidinig sa video.
Pero pagdating sa parking lot, doon na naglabasan ang iba pang lalaking pulis at inaresto ang suspek.
“Nakipag-relasyon ‘yung ating operatiba dito sa suspek, hanggang sa nagkasundo sila na luluwas ito sa Maynila,” sabi ni Police Major Raul Salle, hepe ng East Police District special operation unit.
Nagtago umano at nagpalipat-lipat ng probinsiya ang suspek tulad ng Cotabato at General Santos City.
Ayon sa pulisya, pinaghahanap ang suspek dahil sa kasong child abuse na ang biktima 12-anyos na kapatid ng dati niyang kinakasama.
“Nauuna laging umuwi itong lalaki, doon nangyayari ang pang-momolestiya dito sa 12-anyos na kapatid ng kaniyang ka-live in,” ayon kay Salle.
Nakapagsumbong lang umano ang biktima sa ginawa sa kaniya ng suspek nang mapansin ng isa nilang kaanak ang pagbabago nito sa kilos.
Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag.