Advertisers
UNTI-UNTING magkakaroon ng kaalaman ang mga bata kung paano nila sasagipin ang kanilang sarili sakaling dumating ang hindi inaasahang pagkakataon tulad ng sunog at iba pang kalamidad.
Hinikayat ni NCR Regional Director FCSUPT Nahum B Tarroza ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga residente ng Las Piñas na magtungo sa bagong fire station sa Manuela Subdivision upang matutunan nila ang dagdag kaalaman para sa pag-iingat at kung paano makaiwas sakaling magkaroon ng sunog sa kanilang bahay.
Ito ang naging pahayag ni Tarozza kasabay and inagurasyon ng New Manuela Fire Station at soft launching ng Flame Center na matatagpuan sa Cadena de Amor street, Manuela subd.,Las Piñas City.
Ang nasabing fire station ay nilagyan nila ng lecture room na may makikitang ibat-ibang istasyon o mga “pangyayari” upang maturuan ang mga bata at mga magulang kung ano ang dapat na gawin para makaligtas sa kapahamakan.
Ayon pa sa opisyal, nababahala siya dahil tapos na ang Fire Prevention Month subalit tumataas pa rin ang insidente ng sunog sa Metro Manila at may mga naitala pang mga casualty.
Ang flame center na may lecture room ay ginaya umano nila sa Japan at Korea dahil sa pamamagitan nito ay ipaliliwanag lalo na sa mga bata ang ibayong pag-iingat at ang kanilang gagawin habang may sunog upang makaiwas dito.
Nagpasalamat naman si Tarozza sa patuloy na suporta ng Villar foundation na siyang nag donate ng naturang gusali para sa karagdagang fire station upang lalong mapabilis ang pagtugon sa mga insidente ng sunog. (JOJO SADIWA)