Advertisers
Natagpuan patay ang isang babae sa tabing-dagat ng South Road Properties (SRP) Road sa Cebu City.
Hinala ng pulisya, pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang biktima.
Kinilala ng mga kaanak ang 22-anyos na babae na natagpuan ang bangkay sa tabing-dagat, na si Neca Denise Lagria, residente sa bayan ng Liloan.
Hinihinala ng pulisya na pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lang sa lugar kung saan nakita ang kaniyang bangkay na nakadapa sa mga batuhan.
Nakilala ng mga kaanak ang bangkay ng biktima dahil sa nunal nito sa mukha at suot na damit na uniporme sa pinapasukang trabaho sa isang mall sa Mandaue City.
Ayon sa kapatid, umalis ng madaling araw ng Martes ang biktima dahil umano sa meeting sa trabaho.
Pero nang araw na iyon, hindi nakapasok sa trabaho ang biktima.
Hindi na rin siya makontak sa kaniyang cellphone. Hanggang makita nila sa social media ang balita tungkol sa bangkay ng babae na nakita sa Cebu City na kanilang pinuntahan sa isang punerarya.
Bunso sa apat na magkakapatid ang biktima, at walang alam ang pamilya na nakaaway nito o banta sa banta.
Ayon sa pulisya, may sugat at pasa sa leeg ang biktima na maaaring sinakal umano.
Nakita ang bangkay malapit sa isang outpost ng sea patrollers sa Cebu City pero wala umanong nakitang kaguluhan sa lugar ang mga tauhan ng Bantay Dagat Commission.
May ilang tao na nagsabi na may napansin silang sasakyan na tumigil malapit sa lugar kung saan nakita ang bangkay 4:00 ng madaling araw.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Antonietto Cañete, director ng Cebu City Police Office, mayroon na silang person of interest pero hindi muna tinukoy habang patuloy pa ang imbestigasyon.