Advertisers
TINATAYANG nasa 500 pamilya ang naapektuhan sa sunog na tumupok sa 250 bahay sa Barangay 310, Sta. Cruz, Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection – Manila, idineklarang fire under control ang sunog nitong Huwebes ng madaling araw.
Umabot pa sa ikalimang alarma ang sunog. Naging pahirapan ang pagpatay sa apoy dahil mabilis itong kumalat.
Bakod lamang ang pagitan ng nasunog na residential area sa Manila City Jail kaya may mga person deprived of liberty (PDL) ang inilikas.
Unang naitala ang sunog sa apat na palapag na bahay na pagmamay-ari ni Gerardo Bantay.
Dalawang sibilyan ang naitalang sugatan kabilang ang isang senior citizen na nakaranas ng paso sa katawan, at isang 25-anyos na nahirapan sa paghinga, na kapwa naman nasa maayos na kalagayan.
Idineklarang fire out ang sunog 6:24 ng umaga nitong Huwebes.
Tinatayang aabot sa P3,750,000 ang halaga ng pinsala ng sunog at nasa 500 pamilya o 1,500 na indibidwal ang apektado.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog. (Jocelyn Domenden)