NASAWI ang mag-iina nang maatrasan ng isang dump truck ang kanilang sinasakyang L300 van sa paahong bahagi ng Sitio Tugatog, Barangay Marungko, Angat, Bulacan, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Angielyn Herrera, mga anak na sina Andrie, 6 anyos; at Sky, 2; habang sugatan si John Jovy Herrera, nasa hustong gulang, asawa at ama ng magkapatid na mga residente ng Brgy, Binagbag, Angat.
Sa report na tinanggap ni retired Colonel Manuel Lukban, Jr. ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kinailangan pa nilang gumamit ng hydroulic extrecator upang mailabas sa napisak na sasakyan ang mga biktima.
Sa report, 9:00 ng gabi nang mangyari ang trahedya nang umatras ang Howo Truck (NBB-7921) kungsaan nawalan ng kontrol at naatrasan ang nasa likurang bahagi na Mitsubishi L300 van (PIE 431) na halos mawasak.
Dead on arrival sa pagamutan ang mag-iina.
Samantala, nahaharap sa patong-patong na kaso ang driver ng truck na si John Arn De Castro, 26, ng Brgy. Sapang Putik, San Ildefonso, Bulacan.
Detenido ngayon ang salarin sa Angat Municipal Jail sa 3 kaso ng Homicide. (Thony D. Arcenal)