Advertisers
HINDI kinagat ng publiko ang paputok ni Sara Duterte na hindi magkakakaroon ng halalan sa 2028 kapag tinanggal siyang bise presidente sa pagtatapos ng impeachment trial ng Senado bilang hukuman. Walang batayan ang senaryo niyang “no elections,” o No-El, sa 2028.
Wala kasi siyang puwersa na magpapatupad ng No-El sa 2028. Walang malinaw na paksyon sa Sandatahang Lakas na sumusuporta kay Sara. Ang mayroon siya ay mga maingay na retiradong opisyales na pawang walang mga armas, tropa, at tao sa AFP.
Wala siyang paksyon sa PNP maliban sa mga tiwaling opisyales na nahaharap sa mga sakdal sa madugo pero palpak na giyera kontra droga noong pangulo ng bansa ang kanyang ama. Hindi maasahan ang kultong Iglesia Ni Cristo na bumuhos ng suporta sa kanya, Biglang tumiklop ang INC sa kanilang rali ng suporta nang bumuhos ang ulan noong nakaraang taon.
Hindi maaasahan ang suporta ng mga trapo (traditional politician) ni Sara. Sa kasaysayan ng pulitika ng Filipinas, hindi mga trapo ang nagpapabagsak sa kapuwa trapo. Nagtatapat sila sa bawat halalan at hinahayaan nila ang halalan ang magdikta sa kanilang mga kapalaran. Iniiwan na rin siya ng mga trapo.
Tsismis lang ang ikinalat ng kampo ni Sara na pinag-uusapan sa Camara de Representante ang plano na ipagpaliban ang halalan sa 2028. Malinaw ang utos ng Saligang Batas pagdating sa isyu ng halalan ay masusunod ang mga halalan sa itinakda ng Saligang Batas, ayon sa mga mambabatas. Aburido lang si Sara.
Wala batayan ang ikinalat na tsismis ni Paolo Panelo, tagapagsalita ni Sara, dahil wala siyang nalalaman pagdating sa batas, ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union. Samantala, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na nakatutok ang Senado bilang impeachment court sa paglilitis kay Sara at walang puwang sa kanila ang ganyang tsismis.
Binigyan diin ni Risa ang utos ng Saligang Batas na harapin at tapusin ang paglilitis ni Sara. May mga patutsada ang ilang mambabatas at tagamasid na desperada si Sara dahil nakikita niya na tatanggalin siya bilang pangalawang pangulo at hindi na siya muling makakatakbo kahit sa anumang posisyon.
Nagtatalunan na parang mga daga sa lumulubog na barko ang ilang senador na kakampi niya.. Nag-umpisa nang dumistansya si Robin Padilla na nagsabing sa ama ni Sara ang kanyang katapatan at hindi sa kanya. Kahit si Bong Go ay hindi nagpapakita na kakampihan niya si Sara.
Tingnan natin si Camille, Imee, at Pia. Sa amin, halos nakakasiguro ang tuluyang pagbagsak ng mga Duterte sa poder. Hindi kasi nagpapaliwanag sa bayan si Sara. Hindi na sila makakadagdag ng pinsala sa bansa.
***
TAMA si Gobernador Hermogenes Ebdane na tuluyang pilayin ang mga pekeng environmental group sa Zambales. Ipinagharap niya ng sakdal ng cyberlibel ang mga lider ng nagpapanggap na environmental group. Kasalukuyang nirerepaso ang mga “unclassified public land” na kinamkam ng ilang kasapi umano ng mga pekeng environmental group. Kapag napatunayan ilegal, nahaharap ang mga ito sa kanselakasyon. Tapos na ang kanilang maliligayang araw.
Nakakasakit sa tenga ang pagpapanggap ng mga pekeng environmental group sa lalawigan. Para sila ang tagabantay ng kapalaran ng lalawigan. Walang silang sinabing totoo para sa kapakanan ng lalawigan. Ngunit buking sila sa kanilang masamang gawain. Sana maubos na sila.
***
Isang malaking rali kontra korapsiyon ang gagawin sa ika-9 ng Disyembre sa People Power Monument sa EDSA a gawi ng Quezon City. Pangungunahan ang rali ng Inter-Religious Leaders’ Council for National Transformation at White Ribbon Movement ang rali.
Gagawin ang rali bilang paggunita sa International Anti-Corruption Day sa araw na iyon. Sa ika-10 ng Disyembre ang International Human Rights’ Day. Ayon sa kanilang pahayag, magkakaroon ng Misa s a ganap ng 12 ng tanghali sa EDSA Shrine na susundan na martsa ng mga dadalo papuntang PPM.
May mga inihandang programa sa rali. Inaasahang dadalo ang ilang mga personalidad na kalaban ng korapsiyon sa bansa.
*
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Hindi magpapadakip si Bato. Hindi niya nais na maging caregiver ni Gongdi sa ICC prison facility. Mula senador, caregiver na lang.” – PL, netizen, kritiko
“We stand firm that, in situations like these, authorities should respond with proportionate and rights-respecting measures under the maximum tolerance standard instead of resorting to mass arrests and reported maltreatment of protesters.” – Kin. Leila de Lima ng ML Party List sa illegal arrest ng mga kabataan sa demonstrasyon kontra Trump at Pax Silica
***
bootsfra:@gmail.com